SEN. MARCOLETA, MAG-SORRY NA LANG KAYSA IPABURA ‘MINUTES OF THE MEETING’

RAPIDO ni PATRICK TULFO

PINABUBURA ni Sen. Rodante Marcoleta sa minutes of the meeting sa Senado, ang sinabi niya noong Feb. 04, 2026 na i-give up na lang ng Pilipinas ang Kalayaan Island Group.

Ito ay sa kasagsagan ng paggisa ng senador kay Commodore Jay Tristan Tarriela kaugnay sa umiinit na tensyon sa West Philippine Sea.

Gusto ni Sen. Marcoleta na palitan ang kanyang sinabi sa nasabing pagdinig dahil hindi raw iyon ang eksaktong ibig niyang sabihin.

Gasgas man at paulit-ulit ang katagang “Bago ka magsalita ay pag-isipan munang maigi,” ibabato pa rin ito sa senador na ilang ulit nang nakapagsasalita ng mga bagay na binabawi rin niya kinalaunan.

Umani kasi ng samu’t saring batikos sa publiko ang umano’y mungkahi ng senador na ibigay na lang sa China ang KIG upang matapos na ang gulo.

Hindi ganoon kadali sa publiko na kalimutan ang sinabi mo, Sen. Marcoleta, kahit pa ipabura mo ang minutes of the meeting na ‘yan, hindi pa rin mababago ang katotohanan na sinabi mo ang mga salitang ‘yan.

Humingi ka na lang ng tawad sa mga sinabi mo, baka mas maintindihan pa ng publiko kung anoman ang dahilan mo sa mga sinabi mo.

Hindi magiging maganda ang pagtanggap ng mga tao kung igigiit mong ipabura ang iyong mga sinabi.

1

Related posts

Leave a Comment