SA GITNA ng nagtatagal na proseso sa procurement ng bakuna laban sa COVID-19, plano ng Senado na bumili na rin ng vaccines para sa kanilang mga empleyado at kanilang pamilya.
Ito ang inihayag ni Senate Majority Leader Migz Zubiri na ang layon anya ay makabalik na sa normal ang buong Senado.
“I dont think there’s anything wrong with that. Ginagawa na yan ng local government units. Para makabalik din kami sa normal sa Senado kung nabakunahan na po ang kanilang staff at pamilya back to normal na kami,” paliwanag ni Zubiri.
Aminado ang senador na mahirap para sa kanila ang kasalukuyang set-up dala na rin ng problema sa internet connection.
“Napakahirap kasi gumawa ng batas via zoom, mahirap interventions pag online,” diin ni Zubiri.
Inamin ni Zubiri na ang kanilang ideya ay mula sa aksyon ng House of Representatives na una na ring nagkumpirma na magbibigay ng bakuna sa kanilang mga empleyado at kanilang pamilya.
Wala pa namang ideya ang mambabatas kung magkano ang kanilang kakailanganin para sa bakuna ng mga empleyado at pamilya ng mga ito. (DANG SAMSON-GARCIA)
