SENADO BINIRA SA PAGPABOR SA P10-B BUILDING PERO TUTOL SA DDR

HINDI napigilan ni House committee on ways and means Chairman at Albay Rep. Joey Salceda na pasaringan ang Senado at ikumpara ang ginawang paggasta nito ng bilyong piso para makalipat at makapagpagawa ng modernong Senate Building sa Bonifacio Global City (BGC) sa Taguig City habang pinanghihinayangan nitong gastusan ang pagtatatag Department of Disaster Resilience (DDR) na siyang pangmatagalang solusyon sa problema sa panahon ng kalamidad na pakikinabangan ng mas maraming Pilipino.

Ayon kay Salceda, napakasimple ng argumento sa DDR at makikita rito ang kanya-kanyang priorities ng bawat isa. Aniya, nasa P2B lamang ang pondong kakailanganin para sa reorganisasyon ng bubuuing DDR malayo sa halos P10B na halaga ng ipinatatayong gusali ng Senado.

“Gastos din pala ang paglipat sa BGC, sige mas unahin na nila yun,”pasaring pa ni Salceda.

Muling lumakas ang panawagan sa pagtatag ng DDR, ang ahensyang tututok sa panahon ng kalamidad, matapos na rin ang pananalasa ng Bagyong Rolly sa Bicol na ikinasawi ng 20 katao at nasa P5.8B ang nasirang imprastrakstura.

Ang pagtatatag ng DDR na isa sa priority measures ni Pangulong Rodrigo Duterte ay aprubado na sa Kamara sa ilalim ng liderato ni dating House Speaker Alan Peter Cayetano, ngunit nanatili itong nakabinbin sa Senado at tinututulan nina Sen. Panfilo Lacson at Dick Gordon sa katwirang walang pondong pagkukuhaan sa pagbuo ng panibagong ahensya.

Iginiit ni Salceda na permanenteng solusyon ang kailangan para mabawasan ang epekto ng mga kalamidad sa bansa kaya isinusulong ng Kamara na palitan ang NDRRMC na isa lamang council at palitan ng DDR na magiging isang permanent agency.

“Ang NDRRMC umaasa lang sa kontribusyon ng ibang members gaya ng pagpapalabas ng warning sa DOST, sa relief ay sa DSWD, ang rehabilitasyon ng mga kalsada sa NEDA at pagresponde sa DILG. Ang nangyayari ay kalat-kalat at hindi integrated ang pagtugon sa kalamidad kaya mabagal sa response at rehabilitation,”palowanag ni Salceda.

Iginiit ni Salceda na ang ginagawang pagpigil ng Senado sa pagbuo ng DDR ay maling-mali.

“Maraming mamamatay sa gusto ng Senado, ang gusto nilang sabihin na inevitable na may mamamatay sa sakuna pero ito ay preventable kung mayroon tayong institusyon, hindi dapat na surrender na tayo at tanggapin na lang na pag may sakuna may mamamatay na 10 katao, anong klaseng logic yun” ani Salceda.

Ang tinutukoy ni Salceda na Senate Building na gagastusan ng P10B ay 11-storey tower na matatagpuan sa 1.8 ektaryang Navy Village na pinangangasiwaan ng Bases Conversion Development Authority (BCDA).

Target na maging fully operational ang bagong Senate building sa 2022. (CESAR BARQUILLA)

174

Related posts

Leave a Comment