TULOY ang pagbabalik sa trabaho ng mga mambabatas sa mababa at mataas na kapulungan ng Kongreso bukas.
Tiniyak ni Senate President Vicente Sotto III na “physically present” siya sa pagbubukas ng sesyon ng Senado ngayong Mayo 4 alinsunod sa legislative calendar sa kabila ng banta ng corona virus disease 2019 (COVID-19) upang pag-usapan ang pagbabago ng Rules at ilang bagay na makatutulong sa pagsugpo sa sakit.
Sa panayam, sinabi ni Sotto na dadaluhan ang pagbubukas ng sesyon ng mahigit 12 mambabatas alinsunod sa itinatakda ng Saligang Batas.
“Delikado or hindi, yun bang pagtanong natin ng delikado, tinatanong natin yung guwardiya sa mga hospital, yung mga health workers, yung mga nagdedeliver ng pagkain, takot ba sila?,” ayon kay Sotto.
“Tapos sasabihin itong mga senador, hindi gawin ang trabaho nila, eh mandato ng Constitution yun na magkaroon kami ng legislative calendar at sundin namin ito,” ayon pa kay Sotto.
Sinabi ni Sotto na isa sa iniisip na remedyo upang mapangalagaan ang kalusugan ng lahat ay magkaroon ng teleconferencing matapos ma-convene at maaprubahan ang bagong Rules hinggil dito.
Samantala, hindi na kailangang pumunta nang personal sa Batasan Pambansa ang mga kongresista kasama na ang kanilang mga staff sa pagbubukas ng Kongreso dahil papayagan ang mga ito na magtrabaho sa kanilang bahay o work from home.
Ayon kay House majority leader Martin Romualdez, magkakaroon ng on-line session tulad ng ginawa ng mga ito sa kanilang special session noong Marso kung saan ipinasa ng mga ito ang Republic Act (RA) 11469 o Bayanihan to Heal as One law.
“Karamihan ng mga kongresista ay nandoon pa sa kanilang mga distrito dahil sa enhanced community quarantine, hindi sila makalipad at makabiyahe kaya po kagaya ng nangyari sa special session,” ani Romualdez.
Inaasahan na may mga mambabatas pa rin ang dadalo nang personal sa kanilang session habang ang karamihan ay maaaring sumali sa pamamagitan ng on-line session na idadaan sa pamamagitan ng zoom.
Isa sa mga pangunahing agenda sa kanilang pagbabalik trabaho ay ipasa ang panukala na magbibigay tulong sa maliliit na negosyante na naapektuhan ng COVID-19 pandemic.
Layon din ng nasabing panukala na maisalba ang trabaho ng mga empleyado ng micro, small, medium enterprises na nawalan ng kita mula nang magpatupad ng ECQ ang gobyerno noong Marso. ESTONG REYES, BERNARD TAGUINOD
445
