PINAIIMBESTIGAHAN ni Senador Imee Marcos ang nakaaalarmang sunud-sunod na insidente ng pagpaslang at pagkawala ng mga miyembro ng legal community o mga abogado at mga hukom.
Sa inihain nitong Senate Resolution No. 593, layon nito na masiyasat ang naitala nang limang kaso ng pagpaslang at dalawang disappearances sa taong ito na hindi dapat balewalain at imbestigahan ng komite sa Senado na nakasasakop dito.
Nabatid na Enero 9 nang mapaslang si Atty. Edgar Mendoza ng lalawigan ng Batangas at ang driver nito na natagpuang patay sa isang nasunog na sasakyan sa Tiaong, Quezon. Awayan sa pera sa pagitan ni Mendoza at kliyente nitong si Sherwin Punzalan ang hinihinalang motibo sa karumal-dumal na krimen.
Gayundin ang pagpatay kina Manila Regional Trial Court Judge Maria Teresa Abadilla; Atty. Eric Jay Magcamit, ng Palawan, at Atty. Joey Luis Wee, ng lalawigan ng Cebu na nagpagulantang hindi lang sa legal community kundi sa buong bansa.
Nasundan ito ng tangkang pagpaslang kay Court Judge Jeaneth Gaminde, 46-anyos, ng San Juan St., Barangay Tinago, Naga City at aid nitong si Rocelle S. Martinez, 34-anyos na pinaulanan ang sinasakyan ng mga itong pick-up subalit himala silang nakaligtas.
Naiulat ding nawawala sina dating Court of Appeals Judge Normandie Pizarro at kamakailan ay si Atty. Ryan Oliva na hanggang sa kasalukuyan ay hinahanap pa rin ng mga awtoridad.
“Ang buong legal community, mula sa iba’t ibang aspeto, ay nagpapahayag ng pagkadismaya, pagkondena, at takot sa sunud-sunod na pag-atake at kasamaan sa mga miyembro ng bar at iba pang mga tanggapan ng korte na nakakatakas lang sa batas at tila walang napaparusahan,” ani Marcos.
Dagdag ng senadora na bagama’t magkakahiwalay na kaso ang mga ito, kailangan pa ring mabusisi ang isyu na kapwa biktima ang mga nasa iisang larangan, dahil sila ang inaatasan ng pamahalaan na mangalaga sa hustisya at magpatupad ng batas.
“Wag na tayong maghintay pa ng mga susunod na krimeng masasangkot ulit ang mga nirerespetong miyembro ng legal community bago pa tayo umaksyon sa hindi magandang insidenteng tulad nito,” pagdidiin ni Marcos. (NOEL ABUEL)
