SENATORIAL ASPIRANTS PINAKAKASA SA WORKERS CHALLENGE 2025

HINAMON kahapon ng malaking grupo ng unyon sa Pilipinas ang lahat ng senatorial aspirants sa 2025 midterm elections na kumasa ang “Workers’ Challenge 2025.”

Layon nito na mabigyan ng proteksyon ang lahat ng uring manggagawa na kapos ang sweldo dahil sa sobrang taas ng bilihin.

Sa presscon sa Orosa St., Malate, Manila, nagsama-sama ang nasa 100 union ng mga manggagawa mula sa iba’t ibang malalaking kompanya at pederasyon para manawagan na dagdagan ang daily minimum wage sa NCR at karatig probinsya.

Gayundin, layunin ng workers challenge na sagutin ng mga kandidato ang ilang isyu at katanungang may kaugnayan sa sitwasyon ng mga ordinaryong manggagawa.

Plano nilang magpadala ng sulat sa mga kandidato partikular ang mga tumatakbo sa pagka-senador, congressman at party-list group para ipabatid ang tunay na suliranin ng mga manggagawa sa lipunan.

Kabilang sa mga isyu ang national living wage, pagtanggal sa kontraktuwalisasyon at palakasin ang karapatan ng manggagawa nang naaayon sa Konstitusyon.

Muli nilang iginiit na dapat nakatutok ang mga kumakandidato sa karapatan at kapakanan ng mga manggagawa lalo na’t hirap ang kalagayan ng mga ito sa kanilang mga employer.

Samantala, balak nila na ipalabas at ibalandra sa publiko ang pangalan ng kandidato na kumasa sa kanilang hamon bago ang May 12, 2025 o sa mismong araw ng botohan. (JULIET PACOT)

23

Related posts

Leave a Comment