QUEZON – Patay ang isang 60-anyos na lalaki matapos pagtatagain ng sariling anak sa Sitio Libirin, Brgy. Tala, sa bayan ng San Andres sa lalawigan noong Huwebes ng gabi.
Kinilala ang biktimang si Roger Burga, residente ng naturang lugar.
Ayon sa ulat ng San Andres Police at sa salaysay ng saksing si Noel Iduyan, nangyari ang insidente dakong alas-6:30 ng gabi matapos ang inuman ng biktima at 37-anyos na anak nitong si Allan.
Pagdating sa kanilang bahay, nagkaroon ng mainitang pagtatalo ang mag-ama na nauwi sa pananaga ng suspek sa biktima gamit ang isang matalim na armas.
Agad isinugod ang biktima sa Rural Health Unit ng San Andres, Quezon, ngunit idineklarang patay na ng sumuring doktor.
Nagsasagawa pa ng imbestigasyon ang mga awtoridad upang matukoy ang motibo sa krimen at upang mahuli ang suspek na kasalukuyang nagtatago sa hindi malamang lugar.
(NILOU DEL CARMEN)
