SENIOR PATAY SA PALO NG TUBO DAHIL SA BASURA

RIZAL – Patay ang isang 75-anyos na lalaki matapos umanong hampasin ng tubo sa ulo ng kanyang kapitbahay noong Miyerkoles ng umaga sa Brgy. Sta. Ana, sa bayan ng Taytay, sa lalawigan.

Kinilala ni PCol. Felipe Maraggun, Provincial Director ng Rizal PNP, ang biktimang si alyas “Domingo,” habang ang suspek ay kinilala namang si alyas “Romy,” 50-anyos.

Nabatid sa imbestigasyon, bandang alas-4:00 ng umaga, nakita ng isang testigo ang suspek na armado ng metal pipe at walang habas na pinagpapalo sa ulo ang biktima dahilan upang humandusay ito at namatay.

Agad namang tumakas ang suspek papalayo sa pinangyarihan ng krimen.

Nagsagawa agad ng follow-up operation ang mga awtoridad at mabilis na naaresto ang suspek.

Ayon sa pagsisiyasat, nag-ugat umano ang insidente sa matagal nang alitan ng dalawa dahil lamang sa basura.

Ang suspek ay kasalukuyang nakapiit sa Taytay Custodial Facility at mahaharap sa kasong murder. (NEP CASTILLO)

57

Related posts

Leave a Comment