CAVITE – Tinutugis ng pulisya ang anim na kalalakihang tumangay ng tinatayang mahigit sa P3 milyong halaga ng cellphones at gadgets mula sa isang tindahan sa Bacoor City noong Miyerkoles ng umaga.
Inaalam pa ang pagkakakilanlan ng mga suspek na tumakas matapos looban ang isang gadget store, lulan ng isang puting motorsiklong Bukyo.
Ayon sa ulat, bandang alas-7:25 ng umaga, nang dumating ang isa sa staff ng tindahan na General Merchandise sa Molino Road, Brgy. Molino 3, Bacoor City, napansin nito ang isang speaker na nasa labas ng tindahan.
Kasunod nito ay napansin niyang sira na ang padlock ng roll-up door at pag-angat nito ay nadiskubreng basag ang salamin na pintuan.
Base sa footage ng closed circuit television (CCTV), pumasok ang mga suspek bandang alas-2:40 ng madaling araw sa pamamagitan ng pagsira sa padlock nito at binasag ang salaming bintana at nang makapasok ay nilimas ang iba’t ibang unit ng mga cellphone at gadgets na umabot sa halagang P3,736,433.
Nagsasagawa ng backtracking ang pulisya para sa pagkakakilanlan at posibleng pag-aresto sa mga suspek. (SIGFRED ADSUARA)
