Ni VT ROMANO
SOLIDONG performance na naman ang ipinamalas ni Pinay dribbler Jack Animam sa pagpapatuloy ng aksyon sa First Women’s Basketball League of Serbia, ngunit kinapos ang Radnicki Kragujevac sa dulo tungo sa 86-63 loss sa kamay ng ZKK Kraljevo, Linggo ng umaga (Manila time) sa Kraljevo Sports Hall.
Ito ang ikalawang sunod na talo ng Radnicki sa torneo.
Hindi nagpaawat ang 22-anyos na si Animam, nang magpasabog ng 16 points at nine rebounds sa first half, bagama’t naghahabol ang kanyang koponan, 49-33 sa halftime.
Nagawang maibaba ng Radnicki ang deficit sa 10, 57-47 mula sa 14-8 run sa pagbubukas ng third period, subalit bumawi ng 13-3 blitz ang Kraljevo at isara ang nasabing quarter hawak ang 20-point lead, 70-50.
Sinikap ni Animam na buhayin ang kanyang tropa, nang maka-convert ng apat mula sa 13 points ng Radnicki sa payoff period, pero mas malakas ang resbak ng host Kraljevo.
Agad umabante ang Kraljevo, 31-16 matapos ang first period at mula roon hindi na nakarekober ang Radnicki.
May 37.7% (field) lang ang bisitang Radnicki, kung saan tanging si Animam ang bumuhat sa team. Habang ang Kraljevo ay nakagawa ng 54% shots at may 30 assists sa 34 field goals nito.
Nais sana ni Animam matulungan ang Radnicki na maingat mula sa 7-15 win-loss finish noong nakaraang season at tapusin ang elimination round sa top 4 teams at makakuha ng playoff spot.
Mula nang sumabak sa Serbia, pawang double-double output ang itinatala ni Animam, na sinimulan sa 20 points at 14 rebounds sa unang panalo kontra Proleter 023.
Sinundan ng 29 points at 12 boards laban sa reigning titleholder ZKK Crvena zvezda.
Muling sasabak ang Radnicki sa Oktubre 23 kontra Duga Sabac, 7-15 record din sa nakaraang season.
