PUNTO DE BISTA ni BAMBI PURISIMA
Sa panahong maraming Pilipino ang hirap bumangon mula sa sunod-sunod na dagok ng inflation, kawalan ng trabaho, at kakulangan sa oportunidad, may isang tanong na paulit-ulit na bumabalik: hanggang kailan aasa sa ayuda?
Sa Maynila, tila malinaw ang sagot ng kasalukuyang administrasyon – hindi sapat ang tulong na panandalian; mas kailangan ang kakayahang tumayo sa sariling paa.
Ito ang diwa ng kamakailang turnover ng TESDA livelihood toolkits na pinangunahan nina Mayor Isko Moreno Domagoso at Vice Mayor Chi Atienza sa Bulwagang Villegas. Hindi ito simpleng pamamahagi ng kagamitan. Isa itong malinaw na pahayag ng direksiyon: kabuhayan, hindi limos.
Sa ilalim ng bisyon ng alkalde na tutukan ang “Minimum Basic Needs” ng bawat Manileño, pormal na pinagtibay ang ugnayan ng Pamahalaang Lungsod ng Maynila, TESDA, Manila Manpower Development Center, at Universidad de Manila. Ang mensahe: ang solusyon sa kahirapan ay kasanayan na may saysay sa totoong buhay.
Tumpak ang sinabi ni Mayor Isko, ang bawat toolkit ay puhunan. Hindi ito dekorasyon sa bodega o kagamitan na maghihintay ng ilang buwan bago magamit. Ito ay kasangkapang maaaring agad ipanghanapbuhay, mula sa baking at pastry-making hanggang sa beauty services.
Para naman kay Vice Mayor Chi Atienza, matagal na niyang paninindigan ang ganitong uri ng programa. Sa kanyang pananalita, malinaw ang paniniwala: ang tunay na laban kontra kahirapan ay edukasyon sa kasanayan. Hindi sapat ang diploma kung walang kakayahang kumita. At kung may kakayahan na, dapat may puhunan.
Mahalaga ring tandaan ang papel ng Manila Department of Social Welfare at UDM sa mabilis na implementasyon ng programa. Sa ilalim ng OIC Director Jay Dela Fuente at UDM President Dr. Felma Carlos-Tria, tiniyak na ang mga kagamitan ay agad mapakikinabangan ng mahigit 350 kasalukuyang enrollees at libo-libo pang susunod.
Hindi rin maliit na bagay ang pahayag ng TESDA NCR na ang proyektong ito ay maaaring makinabang ang 5,000 hanggang 7,000 learners. Ang binibilang na ngayon ay hindi na lang trainees, kundi mga pamilyang may inaasahang kita.
Dito pumapasok ang tunay na sukatan ng bilis-kilos. Hindi lang sa seremonya, hindi lang sa photo op, kundi sa aktuwal na epekto: may natutong bagong kasanayan, may nagkaroon ng puhunan, at may umusad ang buhay.
Sa huli, ang tanong ay hindi kung maganda ang programa, kundi kung magpapatuloy. Dahil ang kabuhayan, tulad ng pangarap, ay hindi minsanan. Kailangan ito ng direksiyon, disiplina, at tuloy-tuloy na aksyon.
Kung ganito ang anyo ng serbisyo – mabilis, may malinaw na layunin, at may konkretong resulta—baka nga unti-unti nating masagot ang matagal nang tanong: paano tunay na umaangat ang isang lungsod?
***
Uulit-ulitin ko ang tanong: Ano nga ba talaga ang intensiyon ng Konstitusyon kaya nagkaroon tayo ng party-list representation?
Ito ay upang mabigyan ng pagkakataon ang “marginalized sector” na magkaroon ng boses sa Kongreso, at dahil nakita ng framers ng 1987 Constitution natin na nadodomina ng mayayaman, maiimpluwensiyang politiko at angkan ang politika sa bansa.
Tanong ulit: Ano ba ang marginalized sector sa paningin ng mga gumawa ng Konstitusyon?
Ito ay ‘yung grupong mahihirap at inaapi at api-apihan, tulad ng mga magbubukid at magsasaka, mga tsuper, mga kasambahay, mga senior citizen at mga katulad na pangkat.
Hindi para sa mayayaman, sa mga multi-milyonaryo, lalong hindi sa mga sektor ng relihiyon ang party-list, kaya tigilan na ang kalokohan, gets n’yo, anak ng pitong kuba!
***
Ano ang tawag sa isang tao na ang sinabi ay kayang panindigan at titiyaking kayang gawin ang sinabi o ipinangako?
Sagot: Palabra de honor.
Kung inyong susuriin, dear readers, tanging ang tao lamang ang binigyan ng Amang Diyos ng katangiang makapagsalita, at makapagpahayag ng saloobin at mangatwiran.
May dila ang mga tunay na buwaya, mga baka, kambing, aso, balyena, kabayo at iba pang hayop o insekto?
Pero, hindi sila makabuo ng salita: Tahol ang kayang gawin ng aso, unga ang kaya ng kalabaw at tilaok sa manok, halinghing sa kabayo.
Marami na rin naman ang naging lider ng bansa, na natapos ang termino at nawala sa puwesto at sa mga kainitan ng kampanyahan, langit at lupa ang ipinapangako nila na ‘pag sila ang naging konsehal, meyor, gobernador, congressman, senador, bise presidente at pangulo, ibibigay nila halimbawa ang para sa mga magsasaka, etc., pero may nangyari at naibigay ba ang mga pangako, hindi!
***
Para sa inyong mga suhestyon, reaksyon at opinyon, sumulat o magmensahe sa bampurisima@yahoo.com.
7
