IGINIIT ni Senador Risa Hontiveros na hindi na sasapat ang ipinamamahaging fuel aid sa ilalim ng Pantawid Pasada Program upang magpatuloy ang pagtakbo ng transport system sa gitna ng patuloy na oil price hike.
Sinabi ni Hontiveros na bagama’t magandang hakbang ang pagdaragdag ng pondo sa programa upang masakop ang mas marami pang driver subalit hindi anya sasapat ang P6,500 para sa pamilya ng mga tsuper.
“Dahil hindi sapat ang ayuda, mapipilitang mag-“tigil pasada” ang mga tsuper. Malulugi lang sila sa pagod ng maghapong pasada kung kakainin ng pang-gasolina ang kita at halos wala nang maiuuwi sa pamilya. Hindi ito dapat mangyari,” saad ni Hontiveros.
Iginiit ng senador na ang kailangan ay mas seryosong solusyon, hindi lang para mapanatiling kumikita ang mga tsuper at operators na nagpapaandar sa transport system, kundi para maging abot-kaya rin ang pamasahe.
Mas makabubuti anya na palawigin ang service contracting program na hindi lamang dapat tunakbo ng isa o dalawang buwan at sa halip ay dapat umabot ng ilang taon.
“Makakatulong ng kaunti ang ayuda sa pantawid pasada pero ang totoong solusyon ay pagpondo sa mas maaasahang byahe na hindi uubos ng pera at panahon ng mga pasahero. Ayuda na mag-aalis sa napakahabang mga pila, mabigat ng traffic at napakarami at magastos na palipat-lipat ng sakay bago makauwi,” diin nito. (DANG SAMSON-GARCIA)
192
