KINASTIGO ng isang militanteng kongresista ang Department of Education (DepEd) kaugnay ng umano’y kapabayaan sa paghahanda sa pagbabalik ng in-person classes sa mga paaralang sakop ng mga lugar na isinailalim sa Alert Level 1 at 2.
Patutsada ni Rep. France Castro, hinayaan lang ng kagawaran ang mga gurong balikatin ang gastusing kalakip ng paghahanda sa balik face-to-face na klase sa mga pampublikong paaralan.
“Nasaan ang budget? Our teachers and school heads are toiling in schools even on weekends to clean the classrooms, repaint desks, install signages, and others at their own expense, so that their schools will pass the validation process for inclusion in the implementation of limited face-to-face classes,” aniya.
Gayunpaman, mula sa sariling bulsa ng mga guro ang ginagamit nila sa paghahanda ng kanilang paaralan sa hangaring makapasa sa panuntunang inilatag ng DepEd para sa mga eskwelahang pagdarausan ng face-to-face classes – sa kabila pa ng pondong inilaan para sa naturang departamento.
Ayon kay Raymond Basilio, secretary general ng ACT, halos lahat ng guro at mga head teachers na kanilang nakausap ay umamin na wala silang natanggap na dagdag na pondo sa DepEd para ayusin at linisin ang kanilang paaralan.
“Bakit ang mga guro na naman natin ang taya? Walang bago sa new normal education na ito,” hinanakit ni Basilio bunsod ng taliwas na pahayag kamakailan ng Department of Health (DOH) at Department of Finance (DOF) na kapwa nagbigay katiyakan sa P977 milyong pondo9ng sadyang inilaan para maihanda ang paaralan sa face-to-face classes.
“Our teachers are eager for in-person learning to resume as the learning crisis have reached alarming levels. However, it is not fair that they and their already too meagre salaries are made to bear the burden of physically preparing the schools,” ayon pa nasabing grupo.
Dismayado rin ang grupo sa kupad na ipinamalas ng DepEd, partikular sa mababang bilang mga mga paaralang binuksan para sa F2F classes. Aniya, 6,145 lang sa halos 60,000 basic education schools sa buong bansa ang magbabalik F2F matapos ang dalawang taon.
“This is not just slow or lazy, but callous and negligent. Almost six months since the DepEd had announced that it is pursuing limited face-to-face classes and yet the funds are still unavailable on the ground. Ang kaawa-awang mga guro na naman ang dumidiskarte para punuan ang kapabayaan ng gobyernong ito,” pahabol ni Basilio. (BERNARD TAGUINOD)
259 