ITO ANG TOTOO Ni VIC V. VIZCOCHO, JR.
BALIK lansangan o daan ang topic natin, kailangan dahil ang lansangan ay parang ugat ng katawan ng tao na kapag may problema ay apektado ang buong sistema.
Ito Ang Totoo: Sa araw-araw na ginawa ng Diyos, maraming pangyayari ang nagaganap sa daan, may hindi sinasadya, at may sinasadya, dahil walang disiplina o kaya ay sadya lang tanga.
Marami ring klase ng daan, may expressway, national highway, provincial road, barangay road at iba pa.
Sa Expressway tulad ng SCTEx at National Roads sa iba’t ibang bahagi ng Central Luzon at iba pang rehiyon sa bansa, problema ang mga motorista na nagbababad sa “overtaking lane o inner lane” na para bang ang “outer lane o right lane” ay hindi daan.
Ito Ang Totoo: Wala tayong alam na hinuli o sinita man lang dahil sa pagbababad sa outer lane, bagama’t marami naman ang natitikitan sa “over speeding” na para bang iyon lang ang alam na “violation” sa daan.
Sa EDSA sa Metro Manila, may “U-turn slots” na mistulang patibong o “trap” sa mga hindi kabisado ang lansangan, lalo na sa mga galing ng probinsya.
Ito Ang Totoo: Parang mga mangangaso ang “enforcers” na nakaabang sa biktima na mawawala sa “lane” o linya.
Pabor naman po tayo na dapat nasa tamang “lane” ang lahat dahil bahagi ito ng kaayusan at disiplina. Ang ating puna ay ang kakulangan ng sapat na “guide” o giya na malinaw kung saan pupuwesto ang mga motorista habang malayo-layo pa sa takdang lugar.
Sa mga “national highway” na hindi “expressway,” may ginagawang bilaran ng palay, talyer, parking, etc. ang “outer lane” o mahigit pa, kaya tuloy marami rin ang nagbababad sa “inner lane” o “over-taking lane” na motorista.
Ito Ang Totoo: Walang umaaksyon laban sa mga obstruksiyon liban na lang sa pailan-ilang kunwari at pansamantala lang.
Gaya ba ng mga tricycle na bawal sa highway pero bulag, pipi at bingi ang mga kinauukulan dahil mga botante nga naman, o kaya hindi naman pagkakakitaan (siguro?).
Ang daan o lansangan na para sa marami sa atin ay pangkaraniwan kaya nababalewala na lang, ay may kinalaman sa araw-araw na takbo ng buhay ng mamamayan, mayaman man o mahirap, pare-pareho lang, liban na lang sa mga akala mo haring may “escorts” na hagad at meron pang “wang-wang.”
Napapanahon na talaga na ito ay bigyan ng pansin, seryoso at walang sinasanto o kinikilingan. Ito Ang Totoo!
236
