ISANG high-value drug personality ang nadakip sa ikinasang anti-narcotics operation ng mga ahente ng Philippine Drug Enforcement Agency na nagresulta sa pagkakadiskubre sa hinihinalang kitchen type shabu laboratory sa Barangay Viente Reales, Valenzuela City.
Ayon sa ulat na ibinahagi ng tanggapan ni PDEA Director General Undersecretary Isagani Nerez, nadiskubre ng kanyang mga tauhan ang clandestine shabu laboratory matapos madakip sa inilatag na anti-illegal drug operation ng pinagsanib na pwersa ng PDEA Cavite Provincial Office, PDEA Regional Office-National Capital Region-Northern District Office, at Valenzuela City Police Station, ang kanilang target nitong Linggo.
Bandang alas-4:15 ng madaling araw, nabitag sa isinagawang buy-bust operation si alyas “John”, 30-anyos, binata ng Cubao, Quezon City, na itinuturing na isang high-value drug personality.
Nakuha ng mga awtoridad ang 500 gramo ng hinihinalang crystal meth o shabu, na nagkakahalaga ng P1,500,000.00 at ang ginamit na buy-bust money na nagresulta sa pagkakadiskubre sa lihim na drug laboratory na pinaniniwalaang ginagamit sa paggawa ng illegal drugs.
Patuloy ang imbestigasyon ng mga awtoridad sa nadakip na suspek para malaman ang lawak ng operasyon nito at kilalanin ang iba pang sangkot sa illegal drug network.
Kasalukuyang nasa kustodiya ng PDEA ang suspek habang inihahanda ang isasampang kaso kaugnay sa paglabag sa Section 5 (Sale of Dangerous Drugs) Section 8 (Manufacture of Dangerous Drugs), Section 11 (Possession of Dangerous Drugs) Article II ng Republic Act No. 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
(JESSE RUIZ)
1
