KAMPANYA NG PNP KONTRA ILEGAL AT SMUGGLED CIGARETTES PAIIGTINGIN

PAIIGTINGIN ng Philippine National Police (PNP) ang information drive laban sa pagbebenta ng smuggled at illicit manufactured cigarettes sa mga sari-sari store sa buong bansa.

Kasunod ito ng banta ng Department of the Interior and Local Government (DILG) na paglulunsad ng mas maigting na kampanya laban sa economic saboteurs kasabay ng paalala na walang piyansa ang mga makakasuhan ng economic sabotage.

Matatandaan, nauna nang nagbabala si Interior Secretary Jonvic Remulla na magsasagawa ang mga awtoridad ng mga raid sa mga pampublikong pamilihan at maging sa maliliit na retailer bilang bahagi ng kampanya laban sa ilegal na sigarilyo.

Binigyan ni Sec. Remulla ng isang linggong palugit ang mga nagbebenta upang itigil ang distribusyon at maubos ang kanilang paninda bago simulan ang mas mahigpit na operasyon ngayong linggo.

Kaugnay nito, inatasan ni PNP Chief Jose Melencio Nartatez Jr. ang lahat ng hepe ng pulisya na makipag-ugnayan sa mga lokal at opisyal ng barangay upang palakasin ang kampanya sa pagpapalaganap ng impormasyon, kasunod ng mga ulat na laganap ang bentahan ng smuggled cigarettes sa maliliit na tindahan.

Nilinaw ng PNP top cop, kailangan maunawaan ng mga may-ari ng maliliit na tindahan na nagiging bahagi sila ng supply network ng mga sindikato kapag pumayag silang magbenta ng naturang produkto.

Kasama sa information drive ang pagtukoy sa mga brand ng smuggled at ilegal na sigarilyo upang maging gabay sa mga tindero at mamimili.

Kasabay nito, nanawagan si Nartatez sa publiko, lalo na sa maliliit na mga tindahan, na makipagtulungan at agad na isumbong sa mga awtoridad ang anomang impormasyon hinggil sa bentahan ng mga smuggled na sigarilyo sa kanilang lugar.

(JESSE RUIZ)

1

Related posts

Leave a Comment