INISYUHAN ng subpoena ng Senate Committee on Constitutional Amendments ang mga opisyal ng online shopping platforms na Shopee at Lazada gayundin ang Media Specialist Association of the Philippines matapos muling isnabin ang pagdinig hinggil sa mga transaksyon sa social media platforms.
Sa pagdinig, inilutang ni Committee Chairman Francis Pangilinan ang ideya na padalhan na ng subpoena ang mga opisyal dahil sa pagtangging makipagtulungan sa deliberasyon.
Agad namang naghain ng mosyon si Senate Minority Leader Franklin Drilon para sa pagpapalabas ng subpoena na sinegundahan ni Pangilinan.
Inirekomenda rin ni Drilon na ilagay sa subpoenas ang babala na mahaharap sila sa contempt charges sakaling hindi pa rin dumalo sa susunod na pagdinig.
“The subpoena shall contain a notice that if they have ignored the invitation of this committee without giving an explanation and that the failure to heed the subpoena shall give rise to a contempt citation,” diin ni Drilon.
“We already place that warning so that if they don’t attend the next time, we can hold them in contempt,” dagdag ng senador.
Tinukoy naman ni Pangilinan ang Section 17 ng Rules of Procedure sa inquiries in aid of legislation na nagsasaad ng kapangyarihan ng komite na magpalabas ng subpoena para sa witnesses at kanilang mga testimonya gayundin sa iba pang dokumentong kailangan sa pagdinig.
Inimbitahan ng komite ang mga opisyal ng online shopping platforms at Media Specialist Association of the Philippines upang magbigay ng mga detalye sa advertisement placements sa online videos na maaaring naglalaman ng mga mali-maling impormasyon. (DANG SAMSON-GARCIA)
