Showbiz personality iniugnay sa krimen MOTU PROPRIO PROBE SA MGA PULIS NA SABIT SA MISSING SABUNGEROS SINIMULAN NA

IPINAG-UTOS na ni Atty. Rafael Vicente R. Calinisan, Vice Chairperson at Executive Officer ng National Police Commission (NAPOLCOM) na masimulan na ang motu propio investigation kaugnay sa mga pulis na dawit umano sa pagkawala ng sinasabing mahigit 100 sabungero na inilibing sa Taal lake.

Ang kusang imbestigasyon ng Napolcom ay bunsod ng pahayag ng isang alias “Totoy,” isa sa mga akusado, na nagsasabing 20 police officers ang sangkot sa kidnapping case ng nawawalang mga sabungero.

Ang Inspection, Monitoring and Investigation Service (IMIS) ang inatasan ni Calinisan na magsagawa ng sariling imbestigasyon sa sinasabing pagkakasangkot ng ilang police officers sa pagkawala ng mga sabungero na patuloy pa ring hinahanap.

Nabatid na nakikipagkoordinasyon din ang NAPOLCOM sa Department of Justice (DOJ) at Philippine National Police-Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG).

Ang sigurado ani Calinisan, hindi nila sasantuhin at agad sisibakin ang mga opisyal ng Philippine National Police o PNP kapag napatunayang sangkot sa krimen.

Magugunitang inakusahan ang ilang police personnel na kasabwat sa pagpatay sa mga sabungero saka itinapon umano ang mga katawan sa Taal Lake, sa Batangas.

Kaugnay nito, hiniling din ni Atty. Calinisan sa mga complainant na maghain ng formal complaint sa NAPOLCOM para mapabilis ang paglalabas ng resolusyon sa kaso sa tulong ng Department of Justice (DOJ) at PNP-Criminal Investigation and Detection Group.

Matapos na mapaulat ang pagkakasangkot ng ilang pulis sa pagkawala ng mahigit sa 100 sabungero, agad ipinag-utos ng NAPOLCOM ang motu propio investigation hinggil dito.

Nauna rito, ibinunyag sa DOJ ng lumutang na witness na tinawag na si alyas “Totoy”, na may kinalaman sa kaso ang ilang pulis, ilang opisyal ng gobyerno, mga security guard ng sabungan sa Maynila at isang showbiz personality na konektado sa utak ng krimen.

(JESSE KABEL RUIZ)

18

Related posts

Leave a Comment