SI NCRPO CHIEF GEN. ELEAZAR AT MM MAYORS

EARLY WARNING

Tama lang ang ginagawa ni National Capital Region Police Office director PMajGen Guillermo T. Eleazar na isa-isang puntahan at kausapin ang mga bagong halal na alkalde ng 16 na lungsod at nag-iisang munisipalidad sa Metro Manila.

Malaking bagay ang kanyang inisyatiba na tiyak na magiging paborable sa district directors at police station chiefs dahil mas makasisiguro sila ng todong suporta sa local chief executives na obviously ay mga excited na makadaupang-palad itong si PGen Eleazar na batid nilang walang kapaguran sa pagtatrabaho, maghapon at magdamag.

Kilala ng marami itong si PGen Eleazar kung paano mabilis magdisiplina ng mga ‘bugok na itlog’ sa hanay ng kapulisan at s’yempre ganoon din s’ya kabilis magbigay ng pabuya at pagpaparangal at kahit tapik sa balikat sa mga alagad ng batas na nagpapakita ng kahusayan sa kanilang trabaho at magandang ehemplo.

Todo-papuri rin s’ya sa mga alkalde kasama sina Quezon City Mayor Joy Belmonte at Manila Mayor Isko Moreno na aniya’y mga agresibo at sadyang determinado sa kanilang pag­lilinis at pagpapaunlad ng kani-kanilang mga s’yudad.

Top most wanted sa Navotas

Pinuri ni Mayor Toby Tiangco ang mga miyembro ng local police lalo sa hepe nito na si PCol Rolando Ba­lasabas sa pagkakaaresto sa number 1 most wanted person na si Benjie Balondo  na may kasong robbery with homicide.

Ang pamahalaang lungsod ay may Text JohnRey oR Toby (JRT) messaging facility, na sinimulan ni Mayor Toby noong una pa siyang maging alkalde, na maaaring gamitin ng mga residente para magpadala ng feedback, report o rek­lamo.

Boat insurance sa mangingisdang-Navoteño

Isang mangingisdang Navoteño, si Benjamin Driguerro, ang nakakuha ng insurance benefit mula sa pamahalaang lungsod matapos mawalan ng bangka sa isang sunog sa Barangay North Bay Boulevard North.

Mismong si Mayor Toby kasama si Ms. Aida Cristina Castro, business development and marketing specialist ng Philippine Crop Insurance Corporation, ang nag-abot ng tseke (P13,000) kay Driguerro.

“Kailangang magparehistro ang ating mga mangingisda sa ilalim ng Registry System for Basic Sectors in Agriculture. Dito, maaaring makakuha ng insurance ‘pag nasira ang kanilang mga bangka o gamit ‘pag may ka­lamidad,” anang alkalde. “Maaari ring makabenepisyo ang mga rehistrado sa NavoBangka and fish nets program ng pamahalaang lungsod. (Early Warning / ARLIE O. CALALO)

201

Related posts

Leave a Comment