IPINAG-UTOS n ani Pangulong Rodrigo Duterte ang pag-alis sa puwesto ng lahat ng opisyal at empleyado ng Bureau of Immigration (BI) na sangkot sa bribery scheme na nangangasiwa sa “entry into — and exit from” Philippine territory ng mga dayuhan na nagta-trabaho sa Philippine offshore gaming operators (POGOs) na may unauthorized fee.
Sinabi ni Presidential spokesperson Salvador Panelo, kinonsidera ni Pangulong Duterte ang anomalya na para sa iba’y “pastillas scheme”, bilang grave form of corruption na hindi masisikmura ng pamahalaan.
“As we have repeatedly stressed, there are no sacred cows in this administration. Any official or employee who commits any wrong in the performance of their respective duties shall be meted out with the punishment that they deserve and in accordance with our penal laws,” ani Panelo.
Wala namang ideya si Panelo kung ilang opisyal at empleyado ng BI ang kasama sa nasabing hakbang ng Punong Ehekutibo subalit ang alam niya ay may probable cause kaya’t nagawa ito ng pangulo.
Ang kasalukuyang situwasyon ngayon sa BI, at kung paano ito pinatatakbo ni Commissioner Jaime Morente, ay tatalakayin sa susunod na cabinet meeting.
Nananatili namang may tiwala ang Pangulo kay Morente sa kabila ng may isyu ng pastillas scheme.
Sa kabilang dako, sinabi ni Panelo, napilitan na ang Pangulo na alisin sa puwesto ang mga opisyal at empleyado ng BI dahil sa natanggap na reklamo at report ng Punong Ehekutibo.
Dagdag ni Panelo, ang sinumang opisyal o empleyado ng gobyerno na madadawit sa katiwalian ay papatawan ng nararapat na parusa alinsunod sa isinasaad ng Saligang Batas. CHRISTIAN DALE
169
