SIGALOT SA PEZA PINARERESOLBA SA MALAKANYANG

MASUSING pag-aaralan ng Malakanyang ang nagpapatuloy na power struggle sa Philippine Economic Zone Authority (PEZA).

Sa kasalukuyan kasi ay mayroong dalawang Officer-In-Charge (OIC) ang PEZA sa katauhan nina Deputy Director General Tereso O. Panga at Director General Charito B. Plaza.

Nang tanungin si Press Secretary Trixie Cruz-Angeles kung sino ang legal OIC kina Panga at Plaza, ang naging tugon ni Cruz-Angeles ay titingnan ng Malakanyang ang interpretasyon ng ahensya at mahigpit na ipatutupad ang MC 1&3.

Sinabi ni Cruz- Angeles na maglalabas ng rekomendasyon ang Malakanyang sa sandaling mapag-aralan ito ng legal department para magkaroon ng kasagutan sa usapin.
Sa kabilang dako, nagpalabas naman si Trade and Industry Secretary Alfredo E. Pascual, PEZA chairman, ng Department Order No. 2022-88, nitong Martes, Agosto 2, na tumitiyak sa ekstensyon ni Deputy Director General Panga bilang OIC.

“In accordance with MC No. 3, we affirm that the term of Deputy Director General Tereso O. Panga as OIC of the PEZA as extended until December 31, 2022, or until his replacement has been appointed or designated, whichever comes first,” ayon kay Pascual.

Ang paliwanag pa nito “Director General Charito B. Plaza’s was deemed separated from service effective June 30, 2022 pursuant to the Office of the President memorandum Circular (MC) No. 1. This declares that all government positions held by political appointees, co-terminus with the former President, be vacant.”

Samantala, iginiit naman ni Plaza na hindi niya kikilalanin ang itinalagang Officer-in-Charge ng PEZA na si Tereso Panga dahil hindi kasama sa kategorya ng government-owned and controlled corporation (GOCC) ang PEZA kaya hindi ito saklaw ng Memorandum Circular 1 at MC 2 na inilabas ng Malacañang.

Subalit sinabi ni Angeles na sa ilalim ng Marcos Administration, ang MC1 at MC3 ang dapat lamang na manaig.

“Ang kinikilala natin will be kung ano iyong angkop under MC 1 and 3. Ia-apply natin iyong MC 1 and 3 at titingnan natin iyong interpretation ng ahensya. So, right now, I still have to find that out but we have been strictly implementing MC 1 and 3. But we’re firm on recognizing under MC 1 and 3,” ayon pa kay Angeles.

Sa ulat, sa ilalim ng Memorandum Circular no. 1, lahat ng mga pwestong inokupa ng presidential appointees ng Duterte administration ay idineklarang bakante at magiging Officer-in-Charge ang mga opisyal na nasa next position.

Ang Memorandum no. 3 naman ay nagpapalawig hanggang December 2022 sa termino ng mga OIC.

Si Plaza ay appointee ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.

Kaugnay nito, iginiit ng Publishers Association of the Philippines (PAPI) business and industry associations ang kanilang pag-endorso sa pagpapanatili at re-appointment ni PEZA DG Charito Plaza sa gitna ng sigalot kaugnay sa Presidential Memo 1& 3 na nagdulot ng pagkakahati ng mga empleyado ng PEZA maging sa serbisyo nito sa locators, new investors and other stakeholders ng pinakamalaking investment promotion agency na may pinakamataas ding export income and employment sa bansa.

Maging si Senador Imee Marcos ay nagpahayag ng kanyang tiwala sa pamumuno ni Plaza.

Kabilang naman sa media associations na nag-eendorso sa pagpapanatili kay DG Plaza ang Federation of Filipino Chinese Chamber of Commerce and Industry na nilagdaan mismo ng presidente nitong si Henry Bon Liong.

Apela nila kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr., agad resolbahin ang sigalot dahil nakaaapekto na ito sa katatagan at paghahatid ng serbisyo sa global investors at export industries. (CHRISTIAN DALE)

117

Related posts

Leave a Comment