ITO ang pahayag ni Chinese Foreign Minister Wang Yi hinggil sa nagaganap na maritime dispute sa pagitan ng China at Pilipinas.
Ito ay base sa naging reaksyon ng China Foreign Ministry sa naging mga pahayag umano ni Defense Secretary Gilbert Teodoro Jr., kung saan sinabi ni Teodoro na ang pinakamalaking banta sa national security ng Pilipinas ay ang patuloy na pagiging agresibo ng bansang China sa pinag-aagawang teritoryo sa karagatan at ang Pilipinas kasama ang mga kaalyado nito ay gagawa ng mga hakbang na labanan ang mga pagtatangka ng China.
Ayon kay Foreign Minister Yi, base sa pahayag ng isang opisyal mula sa isang bansa, ang mga sigalot daw sa pagitan ng China at Pilipinas ay parang “shadow play” na sa bawat galaw ng Pilipinas sa dagat ay mayroong isang screenplay na isinulat ng mga panlabas na puwersa na ipinakikita ng western media para siraan ang China.
Iginiit ni Foreign Minister Yi na patuloy na poproteksyunan ng China ang soberanya ng teritoryo at mga karapatan at interes sa dagat alinsunod sa batas.
Dapat umanong itigil ng Pilipinas ang panlilinlang sa pandaigdigang komunidad, gamit ang isyu sa South China Sea para mag-udyok ng mga alitan, at umasa sa mga panlabas na puwersa upang sirain ang kapayapaan at katatagan sa rehiyon ng South China Sea.
Tahasang sinalungat ng DND ang mga akusasyon ng Chinese Foreign Ministry na umano’y paulit-ulit na fake narratives. (JESSE KABEL RUIZ)
