HABANG inilalatag ang proseso sa promotion ng 27,000 pulis kasunod ng ibinabang go signal ng National Police Commission ay nagsisimula naman umano ang sikuhan at bungguan sa pagitan ng ilang senior general ng Philippine National Police na sinasabing kabilang sa mga naghahangad na makuha ang mababakanteng posisyon ni PNP chief, Police General Guillermo Lorenzo T. Eleazar.
Isang mataas na opisyal ang nagsasabing tahimik subalit ramdam nang nagsisimula na ang sikuhan sa hanay ng ilang aspirante para sa PNP chief position na posibleng kabilang sa shortlist ng mga pinagpipilian ni Pangulong
Duterte na ipapalit sa puwesto ni Gen. Eleazar.
Grabe umano kadespe-rado ang dalawang heneral kaya isa sa mga ito ay nagbabalak na magsagawa ng demolition job laban naman sa isa pang PNP chief contender na napabalitang maaaring siyang hirangin dahil sa kwalipikasyon nito.
Ayon naman sa sinasabing target ng demolition job, sana sports lang, walang dirty tactics, grabe kasi ka-desperado ‘yung iba.
Habang sinasabing may namumuong banggaan sa hanay ng mga higante, nakatakda namang magkaroon ng malawakang galawan sa ibaba ng PNP organization kaugnay sa napipintong promotion ng 27,460 para punuin ang promotional vacancies ng PNP sa ranggong mula corporal hanggang lieutenant colonel.
Nabatid na inaprubahan ng NAPOLCOM En Banc ang Resolution No. 2021-1218, na may petsang September 24, 2021, na nagbibigay sa PNP chief ng kapangyarihan para punuan ang 27,460 promotional vacancies sa second level ranks upang magkaroon ng daan para sa career movement ng mga police personnel.
Sa promotional quota sa taong 2020, sinabi ni Napolcom Vice Chairman and Executive Officer (VCEO) Atty. Vitaliano Aguirre, ang PNP sa liderato ni Eleazar ay otorisado na mag-promote ng 1,000 police lieutenant colonel at 720 police major.
Habang 980 naman para sa police captain, 320 sa tinyente, 2,780 sa Police Executive Master Sergeant (PEMS), 4,140 para sa Police Chief Master Sergeant (PCMS), 5,980 para Police Senior Master Sergeant (PSMS), 5,570 para sa Police Master Sergeant, 2,640 sa Police Staff Sergeant, at 3,330 sa Police Corporal.
Sa liderato ni Eleazar, tiyak ang kwalipikado lang ang dapat ma-promote at tutuldukan na nito ang “padrino” system para lalong lumakas ang tiwala ng mga Pinoy sa kapulisan.
Kaya lang may karagdagang guidelines si Aguirre sa promotion process na dapat istriktong ipatupad ng PNP Promotion Board. Una, ang pagproseso ng aplikasyon sa promotion para sa lieutenant colonel ay dapat tuloy-tuloy subalit ang mapo-promote lang ay mga police major na humahawak ng TO position. Pangalawa, dapat aprubado ng Napolcom at kumpirmado ng Civil Service Commission ang minimum qualification sa assessment at evaluation ng aplikante. Pangatlo, ang lahat ng promotion ay permanente at walang temporary status. Pang-apat, kapag nagtabla ang ranking ng mga aplikante, gagana ang seniority at ang pang-lima ay dapat mag-report ang PNP sa Napolcom ng after-activity report base sa na-process kada ranggo, ang numero ng promotees at ratio nila.
(Si Jesse Kabel ay news correspondent ng SAKSI Ngayon na araw-araw naghahatid ng mga balita mula sa Philippine National Police at Armed Forces of the Philippines.)
