SA isang viber group na binubuo ng isang dosenang katao na konektado sa media, pulitika, multi-national companies, gobyerno mismo at negosyante, napag-usapan ang mga kilala nila na nabigyan ng puwesto sa administrasyon ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.
Inaasahan na talagang magkakaroon sila ng puwesto sa gobyerno ni Junior dahil sila naman talaga ang naghirap noong panahon ng kampanya pero nalaman na ‘yung unang appointees ay wala na pala sa kanilang puwesto ngayon.
‘Yung unang appointees ay nagtrabaho sa kampanya ni Junior nang walang suweldo. Nagboluntaryo silang tumulong lalo na’t kabisado nila ang pangangampanya at nararapat naman na magkaroon sila ng puwesto sa gobyerno.
Na-appoint naman ang karamihan sa kanila pero kamukat-mukat mo ay malalaman mo na tinanggal na sila sa puwesto at pinalitan ng mga taong hindi man lang naghirap o tumulong sa kampanya ni Junior noong nakaraang kampanya.
Tulad na lamang ni dating Executive Secretary Atty. Vic Rodriguez na hindi bumitaw kay Junior kahit natalo sila noong 2016 vice presidential election. Kapag binanggit mo ang pangalang Vic Rodriguez, agad mong maaalala si BBM dahil siya ang mukha ng kampanya ng pangulo natin ngayon.
Pero may nainggit yata sa kanyang pagiging ES kaya ginawan siya ng kwento hanggang sa mawala na lang siya sa puwesto.
Hindi lang siya ang nawala kundi maging ang ground soldiers na ilang buwang walang tulog, walang pahinga at nangayayat dahil sa pangangampanya manalo lang si Junior na nangyari naman pero mukhang pinatikim lang sila at inalis din agad sila sa kanilang puwesto.
‘Yung mga nakaupo ngayon kapalit ng ground soldiers na hindi pinatagal sa pwesto, ay hindi mo narinig ang kanilang pangalan noong panahon ng kampanya. Sila ‘yung mga sinasabing ‘fence sitter” na nag-aabang lang kung sino ang mananalo at saka hahanap ng koneksyon para mabigyan ng puwesto.
Wala silang ipinuhunan na kahit isang patak ng pawis pero sila ang nakinabang sa pinagpawisan ng iba. Ito na ‘yung kasabihan na iba ang naghirap, sila ang nagpakasarap. Sila ‘yung mga rumaraket lang talaga sa gobyerno pero wala namang naiaambag sa pag-unlad ng bansa.
Pero dapat ipinagtanggol naman sila ni BBM lalo na ‘yung appointees na wala namang masamang tinapay at gusto lang tumulong sa gobyerno dahil kung wala ang mga ito na tumulong sa kanya ay baka hindi naman siya nanalo noong nakaraang eleksyon.
Hindi totoo na kung hindi minura-mura ni Larry Gadon si Raissa Robles noong panahon ng kampanya ay hindi nanalo si BBM. Nanalo siya dahil sa tulong ng mga taong nagsakripisyo ng ilang buwan. Ang hirap kayang mangampanya at mag-organisa.
Sa nangyayaring ito, baka wala nang gustong tumulong sa sinomang mga kandidato sa pagkapangulo sa susunod dahil ibabalibag lang pala sila kapag may nagkainteres sa kanilang puwesto at gumawa ng fake news para mawala sila sa puwesto.
