SILIPIN ANG MGA KAALYADO NI ZALDY CO!

PUNA ni JOEL O. AMONGO

HABANG wala si dating Ako Bicol Party-list Rep. Zaldy Co, kailangang ipatawag ng Independent Commission for Infrastructure (ICI) ang mga kaalyado nitong nasa Pilipinas.

Nabatid na kasama sa mga party-list na sinuportahan ni Co ay ang Wifi, BHW, United Senior Citizens at Ako Bicol na dati siyang kinatawan nito.

Ang magiging pahayag ng party-list representatives na ito ay mahalaga para lalo pang tumibay ang mga alegasyon laban kay Zaldy Co sa pamimigay ng bilyun-bilyong pisong pondo na pinaniniwalaang pinagmulan ng korupsyon.

Sa isinagawang mga pagdinig sa Kamara at Senado, lumalabas na isa sa mga itinuturo na 25 hanggang 30 porsyentong komisyon ay napupunta kay Zaldy Co.

Ang kalalabasan sa imbestigasyon sa Wifi, BHW, United Senior Citizens at Ako Bicol ay magpapatibay sa sinasabi ni Navotas Lone District Rep. Toby Tiangco laban kay Zaldy Co.

Kamakailan sinabi ni Tiangco na si Zaldy Co ay naglagay ng bilyun-bilyong pisong pondo sa ilang kongresista na hindi nila alam.

Kaya nga gusto ni Tiangco na mapauwi si Zaldy Co para siya mismo ang makapagpaliwanag kung ginawa niya ang paglalagay ng bilyun-bilyong pisong pondo na pinaniniwalaang pinagkakitaan nito.

Kinuwestiyon pa ni Tiangco na bakit hindi pinakakansela ang passport ni Zaldy Co para mapilitan itong mapauwi at masagot niya ang mga ipinupukol sa kanya.

Sa ganang akin, kaya hindi pinauuwi ng administrasyon ni Junjun Marcos si Co dahil magtuturo ito kung sino ang mga kasama niya.

Minsan nang nagpahayag si Co na hindi niya ito magagawang mag-isa, ibig sabihin may kasama siya.

Kung babalikan natin, kaya siya naging chairman ng Committee on Appropriations ng Kamara sa 19th Congress, ay dahil kay dating Speaker Martin Romualdez na naglagay sa kanya sa pwesto.

Hindi lang si Romualdez, maaari rin niyang idamay si Pangulong Junjun Marcos dahil sa pagpirma nito sa pinakakorap na 2025 National Budget kung saan ay may isiningit na mahigit sa P400 bilyon.

Si Zaldy Co ay kasama rin sa tinawag na small committee ng Kamara na pinaniniwalaang may kagagawan ng kontrobersyal na 2025 National Budget.

Kaya mahalaga na maipatawag ang mga kinatawan ng Wifi, BHW, United Senior Citizens at Ako Bicol Party-lists para maipaliwanag nila kung tumanggap nga sila ng bilyun-bilyong pondo mula kay Zaldy Co.

Ang problema nga lang ay sinabi ng Palasyo ng Malakanyang na ang imbestigasyon ay hindi aabot kay Junjun Marcos. Kung ‘yan ang pahayag nila ay alam na ang kalalabasan ng imbestigasyon ng ICI na ang madidiin lamang ay ang Department of Public Works and Highways (DPWH) engineers at mga kontratista.

Hanggat ‘di napauuwi si Co ay mananatiling malakas ang loob ni Romualdez na sabihing wala siyang pananagutan o kasalanan sa mga katiwalian sa flood control projects.

Ika nga sa kasabihan “Habang wala ang pusa, naglalaro ang daga”.

Pabor kina Romualdez at Junjun Marcos na wala sa bansa si Co, lalo na kung habambuhay na itong hindi magpapakita sa Pinas.

Maaari lamang mapauwi si Co ‘pag wala na sa pwesto si Junjun Marcos at hindi na nila kaalyado ang uupong pangulo sa taong 2028.

Kaya ganun na lamang nila sinisiraan si Vice President Inday Sara Duterte para hindi sila nito mahabol sa kanilang pinaggagawang kapalpakan.

oOo

Para sa suhestiyon at reklamo, mag-email sa operarioj45@gmail.com.

11

Related posts

Leave a Comment