BALITANG NBA Ni VT ROMANO
SA pangunguna ni Joel Embiid, plano ng teammates ni Ben Simmons na lumipad mula Philadelphia patungong Los Angeles upang kausapin at kumbinsihin ang player na bumalik sa Sixers.
Subalit walang balak makipag-usap ni Simmons o harapin ang teammates at hindi na umano magbabago ang kanyang isip sa desisyong tapusin na ang paglalaro sa Philadelphia, ayon sa ulat ng The Athletic.
Tumaas ang tensyon nang matalo ang 76ers sa Atlanta Hawks sa second round ng playoffs nitong nakaraang season. Binatikos si Simmons bunga nang kanyang performance sa series, partikular ang umano’y kawalan ng kumpiyansang mag-shoot, pati na ang sablay niya sa free throws sa krusyal na bahagi ng laro.
Hindi lang fans ang nadismaya kay Simmons, maging si head coach Doc Rivers, pati si Embiid na napansin ang aniya’y ‘refusal to shoot’ ng player.
Pagkatapos ng series, sinabi ni Simmons ang pagnanais na manatili sa Philadelphia, ngunit nagbago ang kanyang tono ngayong offseason.
Nag-request ng trade ang player at wala na umano siyang interes maglaro pa sa 76ers.
Inaasahan din na hindi siya sisipot sa training camp na magsisimula sa Lunes (Martes sa Manila).
LEONARD ‘DI MAASAHAN
NG CLIPPERS
WALANG idea ang pamunuan ng Los Angeles Clippers kung makalalaro si Kawhi Leonard sa paparating na season.
Ayon kay LAC president of basketball operations Lawrence Frank, walang timetable para sa recovery at pagbabalik ni Leonard mula sa kanyang ACL injury.
Nagtamo ng ACL injury si Kawhi sa Game 4 ng playoff series kontra Utah Jazz noong nakaraang season, kung saan na-twist ang tuhod at hindi na nakalaro pa sa huling walong postseason games ng Clippers.
Una munang ibinalitang ‘sprain’ kalaunan ay kinumpirma ng Clippers na may punit sa right ACL ang player at sumailalim sa surgery noong Hulyo.
Iba-iba ang ACL injuries, ngunit kalimitan umaabot ng buong taon para makarekober o tuluyang gumaling ito.
Si Leonard ay pumirma ng bagong four-year, $176-3 million deal sa Clippers nitong Agosto matapos tumanggi sa kanyang opsyon na ‘free agency.’
Edad 30, nag-average si Leonard sa nakaraang season ng 24.8 points at 6.5 rebounds per game.
