RAPIDO ni PATRICK TULFO
SA lumalalang problema ng mga abandonadong balikbayan boxes sa Bureau of Customs, nanghihinayang tayo sa pagkakataon na pinakawalan ng OFW party-list na mabigyan sana ng karampatang solusyon ang isyung ito.
Ayon sa datos ng Bureau of Customs, nasa 90 containers na ang abandonadong containers at ito ay sa Makati Express Cargo pa lang. Hindi pa kasama ang iba pa tulad ng Tag Cargo, TPE, ACCE, at Cargoplus at kung susumahin ay aabot sa halos 120 containers.
Samakatuwid kung pagbabasehan natin ang laman ng isang 40-footer na container na may 300 na kahon, ang ibig sabihin ay nasa mahigit na 30,000 na kahon ang kasalukuyang nakatengga sa MICP.
Kung pinagtuunan lang sana ng OFW party-list ang problema at nakapagpasa ng karampatang mga batas, mas madali sana ang pagre-release ng mga kahon at paghabol sa mga nasa likod nito.
Hindi man po ako mambabatas o abogado pero base pagkakaintindi natin sa problema ng mga naabandonang balikbayan boxes, isa sana sa panukalang batas na pwedeng ipinasa ay may kinalaman sa paglalaan ng pondo na pwedeng gamitin ng BOC sa distribusyon ng mga kahon kapag ito ay idineklarang abandonado na.
Ito kasi ang malaking problema ng Bureau of Customs dahil wala naman silang pondo para rito. Kaya nga nagdesisyon ang ahensiya na ipasa ang problema sa DMW o Department of Migrant Workers dahil sila ang may pondo.
Kung meron sanang ganitong batas ay magiging madali ang delivery ng mga kahon. At hindi na rin dapat itinatanong kung saan kukunin ang pondo nito dahil sa laki ng perang ipinapasok ng OFWs sa ating bansa sa pamamagitan ng kanilang remittances.
178
