SINDIKATO SA AIRPORT, BILANG NA ANG ORAS N’YO KAY BBM-SARA

DAHIL sa pumutok na naman na katiwalian na nagaganap sa NAIA ay agad na ipinag-utos ni DOJ Secretary Menardo Guevarra sa NBI na imbestigahan at bantayan ang ilang mga tauhan ng Bureau of Immigration na sangkot umano sa pagpapalusot ng mga Chinese papasok ng bansa ng dalawang Chinese handlers na sina alias “Anna” at “Betty Chuwawa”.

Bukod dito ay dapat din pabantayan ni Guevarra ang isang grupo na responsable di-umano sa pagpapalusot naman ng undocumented OFWs na sina alias “Datu Putì” at “Ms. Bomba” na maging ang shifting ng mga tirador na Immigration officers sa bawat terminal ay kanila umanong pinagkakakitaan at nagkakaroon ng hatian sa kita sa Better Living, ­Parañaque.

Ayon pa sa ating natanggap na sumbong ay gumagamit ang mga tiwaling tauhan ng BI sa airport ng stamp na itinatatak sa arrival at departure at isa na rito ay ang may control number na 1911 na issued umano sa isang Immigration officer na matagal nang wala sa airport.

Agawan din umano sa mga pasahero ang ilang mga tiwa­ling tauhan ng BI sa airport kung kaya’t dalawang grupo rito ang naglalaban kung saan ­kamakailan ay nahuli sa Middle East ang ilan umano sa mga ­pasahero na tinangkang palusutin.

Nais nating linawin na hindi lahat ng mga tauhan ng BI sa airport ay mga tiwali at mas marami naman dito ang kuntento sa kanilang suweldo imbes na gumawa ng iligal na gawain na maaaring kanilang ikasibak sa serbisyo.

Paging DOJ Secretary Menardo Guevarra, Sir, paki-imbestigahan nga po itong sumbong sa atin at sipain ang dapat patalsikin upang manumbalik ang tiwala ng mas marami.

Samantala, sino kaya itong isang alias “Spider-Man” ng intelligence ang umanoy “bagman” sa kinikita sa airport at anay ng ahensya na nagtitimbre sa mga iligal na pogo workers tuwing may raid?

ABANGAN!!

Para sa inyong reaksyon at sumbong, maaaring i-text ako sa 09158888410.

(ANG mga ipinapahayag sa kolum na ito ay ­sariling opinyon ng sumulat at hindi ­saloobin ng pahayagang SAKSI Ngayon – Patnugot)

185

Related posts

Leave a Comment