SINDIKATO SA DENR

KUNG pagbabatayan ang pahayag ni Pangulong ­Rodrigo Duterte nitong nakalipas na linggo, malinaw na batid niya ang pamamayagpag ng mga tiwali sa Department of Environment and Natural Resources (DENR). Aniya pa – “I fired them all.”

Pero parang kulang. Hindi niya nahagip ang mga utak-sindikatong opisyales na pilit iginigiit ang isang Memorandum of Agreement (MOA) na nilagdaan ng yumaong dating Environment Secretary Gina Lopez na itinalaga niyang kalihim nang maging Pangulo taong 2016.

Sa ilalim ng nasabing MOA, ibinigay nang libre ng pamahalaan ang hindi bababa sa 2,700-ektaryang lupain sa isang pamilyang negosyanteng nasa likod ng pambabalahura ng Marikina Watershed Area noong panahon ni dating Pangulo Fidel V. Ramos.

Gaano kalaki ba ang 2,700 ektarya? Kasing laki lang naman ng lungsod ng Makati.

Bagama’t tama lang na­mang protektahan ang kalikasan, tila may mali sa naturang kasunduang nagbigay laya sa nasabing pamilya para asintahin ang alinmang lugar na kanilang kursunada – sukdulang yurakan pati ang ancestral domain ng mga katutubong protektado sa ilalim ng Republic Act 8371 o ang Indigenous Peoples’ Rights Act of 1997 (IPRA Law).

Walang technical details kung saan lang pwedeng magkunwaring nagmamalasakit sa kalikasan ang pamilyang minsan nang bumaboy sa Marikina Watershed sa lalawigan ng Rizal bilang tagapagtanggol ng kalikasan.

Ang masaklap, maging ang DENR, kasangkapan sa panggigipit at pagpapalayas sa mga katutubo habang patuloy ang pagtangging ibasura ang kasunduang hindi lamang salat sa detalye ng hangganan, kundi wala pang pakinabang sa panig ng pamahalaan.

Ang nakubkob na “hasyenda,” pinagkakakitaan pa bilang isang tourist attraction nang wala man lang ibinabayad na buwis sa pamahalaan.

Bakit nga ba ayaw ibasura ng DENR ang naturang kasunduan? Hindi barya ang kinikita ng mga tiwali sa nasabing ahensya kapalit ng kanilang pagbubulag-bulagan sa katotohanang bulilyaso ang naturang MOA.

Angkop lang naman talagang tanimang muli ng mga puno ang kabundukang kinalbo ng illegal loggers sa Marikina Watershed Area, partikular sa bulubunduking bahagi ng Baras, Rizal. Subalit paano nagawang ipagkatiwala ng DENR ang reforestation program kalakip ng MOA, sa isang mayamang pamilya ang lugar na minsan na nilang nilapastangan?

Walang batas na nagba­bawal sa DENR na magtalaga ng mga katuwang sa programang pangangalaga ng kalikasan.

Pero sa pagtatalaga ng ­balahurang pamilya, diyan umusbong ang problema. Dangan naman kasi, mali na sa umpisa pa lang ang paglagda ng yumaong kalihim sa kasunduang dehado ang gobyerno.

Ang dapat, ibasura ang MOA. Mas mainam kung ibigay sa mga katutubo ang responsibilidad sa wastong pangangalaga sa kanilang ancestral domain at mga karatig na kabundukan, katuwang ang ahensya bilang gabay sa tamang pamamaraan.

‘Yun nga lang, mawawalan na ng delihensya ang mga kupal sa DENR kasi wala naman silang mapapala sa mga pobreng katutubo.

(Si Fernan Angeles ay ­editor-at-large ng SAKSI ­Ngayon)

106

Related posts

Leave a Comment