GEN Z TALKS ni LEA BAJASAN
MAY video ngayon na kumakalat kung saan isang taxi driver ang naningil ng P1,260 mula NAIA Terminal 3 papuntang Terminal 2. Magkadikit lang ang dalawang terminal pero ganito kalaki ang singil. Hindi ito unang beses na nangyari. Matagal na itong ginagawa ng ilang taxi driver. Ngayon lang talaga may malinaw na ebidensya.
Maraming pasahero ang naka-experience na ng ganito. Hindi pa man nakasasakay, may presyo na agad. Hindi metro ang gamit kundi usapan. At kung ayaw mo, iiwan ka nila. Walang pakialam kung may bitbit kang maleta, kung pagod ka, o kung nagmamadali ka. Basta para sa kanila, pera-pera lang.
Pero hindi lang ito tungkol sa taxi driver na matakaw sa kita. Mas malalim ang problema. Kasi pare-pareho naman tayong nahihirapan sa araw-araw. Ang tanong, bakit ang iba, pinipili pa ring manlamang ng kapwa? Bakit sa gitna ng kahirapan, may ilan pa ring hindi marunong mahiya?
Sa nasabing video, ang siningil ay P1,260 para sa isang biyahe na sobrang lapit lang. Malapit lang ang Terminal 3 sa Terminal 2. Hindi ito biyahe papuntang probinsya. Hindi rin ito oras-oras sa expressway. Pero ganun kalaki ang singil. Kung ganyan ang sistema, hindi ba’t parang holdap na rin?
Kung galing ka sa biyahe, pagod ka na, tapos sasalubungin ka ng panloloko. Kung OFW ka na ilang taon nag-ipon, ganito ba ang dapat bumungad sa ‘yo pagbalik mo? Kung estudyante ka o aplikante, baka ‘yun na lang ang natitira mong pera. Ang sakit isipin na may mga taong kayang gawin ‘to sa kapwa nila.
Ang masama pa, kahit alam ng mga tao ang ganitong modus, madalas wala pa ring seryosong aksyon. Kaya nakagugulat na ngayon, may nangyaring totoong hakbang. Kinuha ng LTO ang lisensya ng driver at sinuspinde siya. Pati ang taxi operator, tinanggalan ng karapatang magpasada sa airport. Ngayon lang yata naging ganito katapang ang aksyon, at sana hindi ito pansamantala lang.
At hindi ito simpleng isyu ng isang taxi lang. Masakit man aminin, pero may mga taong nasa posisyon na nakapikit ang mata sa ganitong gawain. Kung talagang may sistema, bakit nakapapasok pa rin ang mga abusado sa loob mismo ng airport? Saan galing ang kumpiyansa nilang hindi sila mahuhuli? Baka kasi alam nilang may kakampi sila o kaya ay walang tunay na bantay.
Pero hindi dahil may isang naparusahan ay tapos na ang problema. Isa lang siya sa marami. Hindi lang siya ang gumagawa nito. Marami pa riyan ang umaasa na hindi sila makukuhanan ng video. Marami pa riyan ang umaasang wala silang makatatapat na marunong lumaban.
Hindi puwedeng lagi na lang tayong maghintay ng video bago may gawin. Hindi puwedeng ang batas ay gagalaw lang kapag nag-ingay ang mga tao. ‘Yung pasahero na niloko, hindi siya mas mayaman sa driver. Pareho lang silang nagtitiis sa mahal ng pamasahe at pagkain. Pero siya pa ang nawalan.
Kung talagang gusto ng mga nasa puwesto na tapusin ang ganitong kalakaran, huwag lang isang beses. Huwag lang kapag viral. Gawin nila trabaho nila araw-araw, hindi lang kapag may camera.
