DPA ni BERNARD TAGUINOD
LABING-ISANG araw mula ngayon ay magsisimula na sa kanilang tungkulin ang lahat ng nahalal na mga opisyales ng gobyerno noong May 12, 2025 midterm election, kahit kuwestiyonable pa ang kanilang pagkapanalo.
Kahit ‘yung local candidates mula sa mga konsehal ng bayan at lungsod hanggang sa congressmen na namili ng boto ay magsisimula na ang kanilang tatlong taong kapangyarihan at paninilbihan (?) sa taumbayan.
Maging ‘yung mga nanalo dahil sa magic at palpak na Miru System, sa ayaw at sa gusto natin ay uupo na, at magtrabaho man ang mga iyan o hindi, magnakaw man ang mga ‘yan o hindi, maghari-harian man ‘yan o hindi, magnegosyo lang ang mga iyan o hindi, ay tatanggap pa rin sila ng sahod mula sa buwis ng mamamayang Pilipino.
Pero habang masaya ang mga nahalal daw noong nakaraang eleksyon, parami nang parami na ang mga Pilipino na nawawalan ng tiwala sa automated election kaya sinusuportahan na ng mamamayan ang krusada ni Atty. Vic Rodriguez o AVR, na ibalik sa manual ang pagbilang ng mga boto.
Simple lang ang nais ni AVR, mano-manong bibilangin ang boto sa bawat presinto at ang resulta sa bawat bayan at probinsya ang siyang ita-transmit sa national office ng Commission on Elections (Comelec).
Sa pamamagitan niyan, malalaman ng mga kandidato kung ilan ang botong nakuha nila sa bawat presinto, bayan at probinsya at mahirap na itong mabago o mabawasan o kaya madagdagan, pero ayaw ng Comelec. Bakit?
Kesyo mas malaki raw ang gastos, kesyo matagal daw maiproklama ang mga mananalo. Mas gugustuhin namin na maghintay ng isang buwan kaysa magdusa ng tatlong taon sa mga kandidato na nanalo sa pamamagitan ng magic, at walang silbi!
Huling nagsagawa ng manual election ang Pilipinas noong 2007 election at sa kagustuhang mapadali raw ang pagbibilang ay nagpasa ang Kongreso ng batas na gawing automated ang halalan.
Mula noon, kaduda-duda na ang naging resulta ng eleksyon dahil sa pagpalya ng vote counting machines, nako-corrupt ang SD cards as in namamaniobra ang resulta ng eleksyon, kaya hindi ang mga tao ang nagdedesisyon kung sino ang mananalo kundi ang makina.
Marami na ring bansa tulad ng Germany at The Netherlands ang sumubok sa automated election pero bumalik sila sa manual election dahil wala silang tiwala sa makina na namamaniobra ng mga tao.
Kung talagang nais ng gobyerno lalo na ang Comelec, na ayusin ang ating bansa, ay suportahan nila ang krusada ni AVR na mag-hybrid election na tayo at simulan na ‘yan sa 2028 presidential election.
Kung magsu-survey lang ang Comelec at tanungin ang mga tao kung nais nilang bumalik sa mano-manong bilangan ang boto ay magugulantang sila sa resulta dahil wala nang tiwala ang mamamayan sa counting machines.
