HINDI na nagtataka ang isang mambabatas sa mababang kapulungan ng Kongreso kung maging “sunud-sunuran” ang Metropolitan Waterworks and Sewerage System (MWSS) sa mga water concessionaire dahil dito nanggagaling ang kanilang sahod.
Isa ito sa mga dahilan kaya muling nanawagan si Buhay party-list Rep. Lito Atienza kay Pangulong Rodrigo Duterte na tuluyang i-nationalize ang water service na hawak ng Manila Water at Maynilad.
Sa panayam ng Saksi Ngayon kay Atienza, sinabi nito na pinasasahod umano ng mga water concessionaire ang mga opisyales ng MWSS kaya hindi na ito magtataka kung lahat ng kapritso ng Manila Water at Maynilad ay nakukuha nila.
“Lahat ng hihingi ng mga concessionaire, ibinibigay ng MWSS. Government should take over already. Enough of this,” ani Atienza.
Wala na aniyang dahilan para magpatuloy sa kanilang negosyo ang Manila Water at Maynilad dahil sa loob ng 22 taon na hawak ng mga ito ang water service distribution ay sila lang ang nakinabang at hindi ang mamamayan.
Malinaw aniya sa concession agreement na kailangang walang putol sa kanilang serbisyo subalit nabigo ang mga kumpanyang ito na maideliber ang kanilang pinirmahang kontrata.
Ito ay dahil marami pa umanong lugar ang hindi 24-7 ang supply ng tubig at nagkaroon pa ng matinding krisis noong nakaraang taon bukod sa hindi nagawa ng mga ito ang water treatment facilities.
“They have failed. They have not delivered their waste water treatment facilities,” ayon pa kay Atienza.
Ganito rin ang pahayag ni Bayan Muna chairman Neri Colmenares kaya kailangang ituloy na aniya ni Pangulong Duterte ang nationalization sa water service distribution upang matigil ang mga oligarch sa pagsalok ng bilyones sa mamamayan. BERNARD TAGUINOD
