SWAK sa kulungan ang isang construction worker nang magwala at manlaban sa mga barangay tanod na sumita sa kanya dahil sa hindi pagsusuot ng face mask at paglabag sa curfew sa Malabon City nitong Lunes ng madaling araw.
Nahaharap sa kasong direct assault at alarm and scandal ang suspek na kinilalang si Mark Angelo Torres, ng Guava Road, Brgy. Potrero.
Ayon sa ulat nina P/SSgt. Mardelio Osting at P/SSgt. Diego Ngippol kay Malabon Police chief, Col. Albert Barot, dakong alas-12:00 ng madaling araw, nagpapatrolya ang mga barangay tanod ng Brgy. Potrero sa kahabaan ng Guava Road nang makita nila ang suspek na walang suot na face mask at lumabag sa curfew.
Bunsod nito, inimbitahan si Torres sa barangay para sa documentation ngunit bigla itong nagwala at sinigawan ang mga barangay tanod.
Inawat ito ng mga tanod ngunit pinagsisipa sila naging dahilan upang arestuhin ang suspek at dinala sa himpilan ng pulisya. (FRANCIS SORIANO)
