CAVITE – Patong-patong na kaso ang kinahaharap ng isang 33-anyos na lalaki makaraang nabuking ang dalang baril at ilegal na droga nang sitahin dahil sa traffic violation sa Bacoor City noong Biyernes ng gabi.
Nahaharap sa kasong paglabag sa RA 4136 (disregarding traffic sign, no driver’s license and no OR/CR), RA 10591 (illegal possession of firearms and ammunition) at Sec. 11, Art. II and Sec. 12 ng RA 9165 ang suspek na si Nolito Tamayo.
Ayon sa ulat ni Pat. Marco Romero Cupo ng Bacoor City Police Station, nagpapatupad ng quarantine checkpoint ang mga operatiba ng Bacoor CPS sa Daang Hari Road, Brgy. Molino 4, Bacoor City dakong alas-11:25 noong Biyernes ng gabi nang parahin nila ang motorsiklo ng suspek dahil sa traffic violation.
Nang hingin ang kanyang driver’s license ay wala itong naipakita, wala ring OR/CR ang minamanehong motorsiklo hanggang sa napansin ang nakabukol sa beywang ng suspek.
Bunsod nito, inaresto ang suspek at kinumpiska ang dala nitong .45 kalibre ng baril na may pitong bala.
Ngunit nang kapkapan ay nakumpiskahan din ng anim na sachet ng umano’y shabu at nadiskubre ang digital weighing scale at lighter sa kanyang motorsiklo. (SIGFRED ADSUARA)
209 