SINO ANG MAY SALA?

SEVENTY percent sa mga Filipino ang takot magpabakuna laban sa covid-19 base sa online survey na ginawa ng tanggapan ni Deputy Speaker Neptali ­”Boyet” Gonzales II.

Sino ang dapat sisihin bakit nawala ang tiwala ng publiko sa bakuna? Dahil ba sa Dengvaxia na naging sensational dahil sa pagkamatay ng mahigit isang daan bago pa naturukuan ng panlaban sa dengue?

Tila hanggang ngayon ay nasa isip pa ng mga Filipino ang Dengvaxia scandal kaya takot sila na ipabakuna ang kanilang mga anak para hindi sila magkaroon ng dengue sa hinaharap dahil sa pagkamatay ng mahigit isang daang nabakunahan.

Dala-dala nila ang pagkatakot na ‘yan ngayong panahon ng coronavirus disease 2019 o covid-19 kaya kahit sabihin pa ng mga eksperto na ito lang ang pag-asa para makabalik tayo sa normal na buhay mas marami pa rin ang ayaw magpabakuna.

Mas lalong nawawalan ng tiwala ang publiko sa bakuna sa covid-19 dahil sa mga report mula sa iba’t ibang panig ng mundo na may mga matatanda na namatay matapos mabakunahan lalo na sa Norway.

Lalong natakot ang mga tao sa bakuna dahil hindi ang bakunang gusto nilang iturok sa kanila ang gustong bilhin ng gobyerno na mababa ang efficacy at hindi kumpleto ang impormasyon.

Kulang na kulang ang impormasyon ng gobyerno sa bakuna na gusto nilang bilhin.

Gaano ba ito kaepektibo, ano ang mga side effects, paaano nakakasiguro ang mga tao na hindi na sila dadapuan ng virus at magkano ang presyo?

Kapag namimili tayo ng pagkain, karaniwan binabasa muna natin ang label ng produkto dahil ipapasok natin ito sa ating katawan at gusto nating ligtas dahil kalusugan natin ang nakataya.

Hindi tayo bibili ng pagkain na wala tayong tiwala na ligtas itong kainin sa gamot o bakuna pa kaya?

Kailangan natin ang kumpletong impormasyon, pero parang may naglilihim kaya masisisi nyo ba ang mga tao na wala silang tiwala sa bakuna na bibilhin ng gobyerno?

Hindi biro ang perang uutangin ng gobyerno para ipambili ng bakuna?

Paano kung ayaw tanggapin ng mga tao ang bakunang yan eh dahil wala silang tiwala, eh di masasayang lang ang pera?

Hindi puwedeng itago ng matagal ang mga covid-19 vaccines dahil napakaiksi ng expiry date nila at kung ayaw tanggapin ng mga tao, may magagawa ba ang gobyerno?

Pipilitin ba silang magpabakuna at tatakutin ang mga ayaw magpabakuna para mapilitan sila at hindi masayang ang pondo? Hindi yan uubra!

Hindi rin kumikilos ang Department of Health (DOH) para sa information campaign sa bakuna.

Kung mayroon man, hindi lahat ng mamamayan ang naabot ng kanilang kampanya.

Mahalagang maibalik ang tiwala ng mga tao sa bakuna kaya dapat magsimula na ang DOH sa kanilang massive information campaign.

Alisin ang takot ng mga tao sa bakuna kung nais nilang makamit ang herd immunity na sinasabi nila ngayong taon.

Hangga’t hindi nila ginagawa yan, magsasayang lang tayo ng pera na uutangin pa para mabili ang mga bakunang kailangan at babayaran ‘yan ng mga susunod na henerasyon. Ano, kilos na!

118

Related posts

Leave a Comment