SINO TATAYO SA OPOSISYON SA 2022?

MATAPOS na masungkit ng mga Democrats ang White House dahil sa pagkapanalo ni President-Elect Joseph Biden laban kay Donald Trump, parang nabuhayan ng dugo ang oposisyon na tila baga mangyayari sa 2022 na magpapalit din ng kulay ang liderato ng pamumuno sa bansa.

Hindi kasi nagawa ni Trump na makahirit pa ng isang termino dahil inayawan na ng na­kararaming Amerikano ang istilo ng kaniyang liderato.

Dito naman sa Pilipinas, tila baga nanalo rin ang partido ng oposisyon sa pagwawagi ni Biden at ipinagmamalaki nilang iisa raw ang tinutumbok nilang mga programa at plataporma.

Weh, hindi nga?

Masyado talagang asyumero’t asyumera ang mga taga-oposisyon. Siguro bago nila pangarapin na makakaupo sila sa 2022 ay tiyakin muna nila, sino ba ang tatayong pambato nila sa nalalapit na eleksyon?

Si Aling Leni Robredo ba na hindi naiintindihan ang pagkakaiba ng annulment of votes at failure of elections na dapat ay resolbahin na sa lalong madaling panahon ng Presidential Electoral Tribunal o PET.

Si dating Senador Antonio Trillanes ba na sa mga naglalabasang survey ngayon ay kahit sa Senado ay mukhang mahirap manalo?

O kaya ay sina Senador Francis Pangilinan, Leila de Lima, Mar Roxas, Risa Hontiveros, Atty. Chel Diokno o kung sino pang iba na hindi natin maisip kung sino ba talaga sa kanila ang uubra.

Para kasing wala?

Para sa inyong lingkod, mukhang pinagtampuhan na ng tadhana sa pulitika ang grupong ito ng oposisyon na kung tawagin nga ng mga DDS ay ‘dilawan’. Bakit? Kasi wala rin naman silang ginawa sa Pilipinas noong sila pa ang nasa poder ng kapangyarihan.

Kung kakampi nila ang nakaupong Bise Presidente sa kasalukuyan, naniniwala ang maraming Filipino na nakaupo ito sa pwesto hindi dahil siya ang totoong nagwagi sa eleksyon noong 2016.

Sabi nga nila ay ‘tainted’ at peke ang kaniyang pagiging Pangalawang Pangulo.

Kaya nga takot na takot itong si Aling Leni na mapawalang-bisa ang boto sa mga lalawigan ng Lanao del Sur, Maguindanao at Basilan dahil tiyak mababaligtad ang naging resulta ng nagdaang halalan.

Ipinagpapasalamat din marahil ng oposisyon na may Justice Mario Victor Leonen sa Supreme Court na umuupong Presidential Electoral Tribunal o PET na ponente sa electoral protest ni dating Senador Bongbong Marcos dahil kung hindi, matagal na sigurong tapos ang laban at iprinoklama na ang tunay na nagwagi sa pagka-Bise Presidente noong 2016.

At least, sa pamamagitan ni Leonen ay nagagawang i-delay ang pagresolba sa protesta na isang malinaw na kawalan ng katarungan sa panig ng milyon-milyong mga mamamayan.

Kaya doon sa tanong na sino ang tatayo sa oposisyon sa 2022, ang maaaring sagot ay hindi pa natin alam, At maaaring sila man sa ngayon ay naguguluhan. At kung meron man tumayo, sigurado tayo na uuwi lang din silang luhaan.

Baka pa nga ang mangyari ay mag-iba na ang personalidad na bubuo sa oposisyon pagkatapos ng 2022.

Ibig kong sabihin ay posiblleng mawalis na nang ­tuluyan ang mga pangalang nabanggit sa itaas sa larangan ng pulitika dahil matagal nang dismayado ang taumbayan sa kanila.

Siyempre ayaw natin magsalita ng tapos. Tutal at maaga pa naman. Ang pinakamagandang dapat na mangyari sa mga susunod na buwan ay resolbahin na ng PET ang protestang isinampa ni  Senador BBM para masasabi natin na magkakaroon ng maganda at tunay na labanan sa 2022 Presidential elections.

152

Related posts

Leave a Comment