HINDI maaaring maghugas-kamay ang Liberal Party (LP) sa pangunguna ni dating Pangulong Benigno “Noynoy” Aquino III sa pagkamatay ng prangkisa ng ABS-CBN Broadcasting Corporation dahil sila ang unang nagbasura sa aplikasyon ng nasabing network.
Ito ang opinyon ng isang mambabatas sa Kamara na hindi na nagpabanggit ng pangalan matapos palabasin ng LP congressmen na suportado nila ang pagbibigay ng panibagong 25 taong prangkisa sa ABS-CBN.
“Actually, hindi umabot sa ganyan ang ABS-CBN kung noong panahon nila [LP] sa power binigyan na nila ng prangkisa ang ABS-CBN. Inupuan din nila eh,” anang impormante.
Ginawa ng impormante ang pahayag kasunod ng statement ng LP na kumokondena sa pagtanggi ng 70 miyembro ng House committee on legislative franchises sa panibagong 25 taong prangkisa ng ABS-CBN dahil sa iba’t ibang paglabag sa batas.
“The chapters of the Liberal Party of the Philippines condemn the most recent charade in Congress and its use of naked political power in rejecting the bid of ABS-CBN for renewal of its franchise,” ayon sa statement ng LP.
Gayunman, sinabi ng impormante na hindi nakita ng nasabing partido na sila rin ang dahilan kung bakit hindi kaagad nabigyan ng prangkisa ang ABS-CBN dahil inupuan ng mga ito ang House Bill (BH) 4997 na inakda ni dating Isabela Rep. Giorgiddi Aggabao noong 16th Congress.
Inihain ni Aggabao ang nasabing panukala noong Setyembre 11, 2014 subalit kahit isang pagdinig ay walang ginawa ang House Legislative Franchise committee hanggang matapos ang termino ni Aquino noong Hunyo 30, 2016.
“Almost 2 years pa sila sa power bakit hindi nila binigyan? Tapos isisisi sa present admin ang naging kapalaran ng ABS-CBN? Kung talagang gusto ng LP na bigyan ng prangkisa ang ABS-CBN ibinigay na nila yun nung panahon nila,” komento pa ng source.
Isang indikasyon, ayon sa source kung bakit hindi inaksyunan ng PNoy administration ang franchise application ng ABS-CBN ay dahil 2012 pa lamang ay may kiskisan na ang dating pangulo at ang nasabing network.
Si Aquino ang guest of honor ng ABS-CBN sa kanilang selebrasyon sa ika-25 anibersaryo ng TV Patrol na ginanap sa Luneta subalit ginamit nito ang nasabing okasyon para batikusin si Noli de Castro dahil sa umano’y walang basehang mga report nito na ikinagalit ng chairman at CEO ng network na si Eugenio “Gabby” Lopez III.
Mula noon ay hindi na naging maganda ang relasyon ng ABS-CBN at ni Aquino na lalong lumala noong Enero 15, 2015 dahil sa Mamasapano encounter na ikinamatay ng 47 miyembro ng Special Action Force (SAF) ng Philippine National Police (PNP) dahil sa full coverage na ginawa ng network.
Dahil dito, tuluyang hindi pinansin ang panukala ni Aggabao hanggang sa matapos ang termino ni Aquino kaya muling inihain ng mga kongresista ang panukala pagpasok ni Pangulong Rodrigo Duterte noong 17th Congress.
“So sino ang unang pumatay?,” komento pa ng impormante gayung noong hawak pa ng LP ang Kongreso sa pangunguna ni dating House Speaker Feliciano Belmonte Jr., ay mayorya sa mga kongresita ay LP members.
Hawak din ng LP ang Senado noong panahon na ‘yun sa katauhan ni Senate President Franklin Drilon kaya kung inaprubahan ng LP, ayon sa source sa Kamara, ang prangkisa ng ABS-CBN ay hindi sana nito sinapit ang naging kapalaran noong Hulyo 10, 2020 nang tuluyang patayin ang kanilang pag-asa na mabigyan ng prangkisa.
Kaya naman hindi rin tamang ipasa ang sisi kay Pangulong Rodrigo Duterte kung bakit nabasura ang aplikasyon sa prangkisa ng giant TV network.
AMCARA GOODBYE NA RIN
Magsa-sign off na rin sa ere ang Amcara Studio 23 sa Huwebes, July 16, 2020 dahil mawawalan na ng bisa ang Republic Act (RA) 8135 na nagbigay sa kanila ng prangkisa.
Wala nang sapat na panahon ang House committee on legislative franchise na pinamumunuan ni Palawan Rep. Franz Alvarez para dinggin ang House Bill (HB) 3279 na inakda ni Camiguin Rep. Xavier Jesus Romualdo para sa panibagong 25 legislative franchise ng nasabing network.
Inihain ni Romualdo ang nasabing panukala noong July 31, 2019 subalit hindi nakapagsagawa ng kahit isang pagdinig ang komite sa franchise application na ito ng Amcara Broadcasting Network.
Ang Amcara ay pag-aari ng pamilya Carandang subalit naging kontroberyal ito matapos madamay sa pagdinig ng nasabing komite, katuwang ang House committee on good government and public accountability na pinamumunuan ni Bulacan Rep. Jonathay Sy-Alvarado sa paglabag ng ABS-CBN sa kanilang hiwalay na prangkisa at umiiral na batas sa bansa.
Kasama ang ABS-CBN sa original na may-ari ng Amcara dahil sa 49% share nito sa nasabing kumpanya subalit ibinenta umano ito ng mga Lopez kay Rodrigo Carandang noong Enero 2019.
Nang ipasara ng National Telecommunications Commission (NTC) ang ABS-CBN Broadcasting Corporation noong Mayo 5, 2020 matapos mapaso ang kanilang prangkisa noong Mayo 4, 2020, ay inilipat ng network ang kanilang mga programa sa Studio 23 at napanood ito sa pamamagitan ng TV Plus Box.
Pinalabas ng ABS-CBN na blocktimer sila sa Studio 23 bagay na hindi pinaniwalaan ng mga mambabatas sa Kamara dahil walang sariling transmitter signal at iba pang kagamitan ang Amcara para makapag-broadcast. (BERNARD TAGUINOD)
396