KUMPISKADO sa isinagawang pinagsanib na operasyon kontra smuggling ang P32-milyong halaga ng mga pekeng sigarilyong nagkalat ngayon sa merkado.
Bukod sa mga palsipikadong yosi, arestado rin ang apat katao, kabilang ang dalawang Tsinong pinaniniwalaang may-ari ng mga nasabing epektos.
Sa pakikipagtulungan ng Bureau of Customs (BOC), sinalakay ng mga tauhan ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) ang isang warehouse sa Barangay Borol sa bayan ng Balagtas na sakop ng lalawigan ng Bulacan kung saan tumambad ang target ng operasyon mga smuggled yosi at ang mga Chinese nationals na nasa likod ng sindikato.
Kabilang sa mga dinakip ang 42-anyos na si Zeng Qiangjian, residente ng Bigaa, San Juan, Balagtas at 48-anyos na si Lin Shanxiong ng Stella Maris Avenue, Maybunga, Pasig City. Arestado rin sa nasabing operasyon sina John Bejay Agujar at Rodolfo Brosas, kapwa residente ng Bulacan.
Kasama ang mga kinatawan ng Philip Morris Philippines Manufacturing Inc. at Japan Tobacco International (JTI), tumambad sa pagpasok sa nasabing warehouse ang 1,346 kahon ng smuggled na sigarilyong sa ilalim ng mga brand names ng Marlboro, Marvel, Jackpot, Union, Cambo, Fortune, Mighty, Two Moon at D&B.
Sa pagtatala ng mga kinatawan ng mga kumpanyang una nang naghain ng reklamo, aabot sa halagang P32,305,000 ang halaga ng mga nakumpiskang epektos. Hagip din sa nasabing pagsalakay ang sasakyang gamit sa pagpapakalat ng mga nasabing smuggled na sigarilyo.
“This police operation is in line with the directive of President Rodrigo Roa Duterte to conduct an extensive and massive police operation against counterfeit and smuggled goods in the country and by order of the Chief PNP P/Gen. Guillermo Lorenzo Eleazar of having intensified law enforcement operations to dissuade economic saboteurs from further adding cause to our declining economy,” saad ng isang pahayag ng CIDG na siyang nanguna sa operasyon.
Kasong paglabag sa RA 8293 (Intellectual Property Rights), RA 8293 (Unfair Competition), RA 8293 (False Designation of Origin) at Customs Modernization and Tariff Act (CMTA) ang kahaharapin ng mga suspek.
Sa datos ng gobyerno, hindi bababa sa P30 bilyon ang nawawala sa pamahalaan bunsod ng tobacco smuggling sa bansa. (ELOI SILVERIO)
