SMUGGLED YOSI TIMBOG SA JOLO

HINDI nakalusot sa mapagmatyag na operatiba ng Bureau of Customs (BOC) ang nasa P1-milyong halaga ng mga imported na sigarilyong pinaniniwalaang pinadaan sa karagatang sakop ng lalawigan ng Sulu.

Sa ulat ng BOC-Zamboanga, umabot sa 30 mass cases ng smuggled na sigarilyo ang nasamsam ng mga alistong ope­ratiba mula sa hanay ng Enforcement and Security Service (ESS) at Customs Intelligence and Investigation Service (CIIS), katuwang ang Jolo Municipal Police Station.

Sa isinumiteng ulat sa tanggapan ni Customs Commissioner Yogi Filemon Ruiz, nagsagawa ng pagpapatrolya sa bisinidad ng Zone 3, Barangay Tulay nang mati­yempuhan ang aktwal na pag diskarga ng mga smuggled na sigarilyong idinaong sa isang baybayin, bahagi ng nasabing lalawigan.

Nakatakda namang sampahan ng kasong paglabag sa Republic Act 10863 (Customs Modernization and Tariff Act) at Executive Order 245 (Amended Rules and Regulations Governing Exportation and Importation of Leaf Tobacco and Tobacco Products) ang mga hindi pinangalanang indibidwal.

Pagtitiyak ni Ruiz, mas agresibo na ang kawanihan sa pagtugis sa mga aniya’y mapagsamantalang negosyanteng dahilan sa likod ng unti-unting pagkamatay ng local tobacco industry.

Kamakailan lamang, nag­hain ng isang panukala si presidential son at Ilocos Norte Rep. Sandro Marcos na gawing 40 taon ang hatol sa mga smuggler na mapapatunayang may sala ng husgado. Partikular na tinukoy ng batang Marcos ang Mindanao na aniya’y karaniwang bagsakan ng mga smuggled cigarette. (JO CALIM)

239

Related posts

Leave a Comment