Snap elections walang saysay sa bulok na sistema: HUSTISYA AT REPORMA IGINIIT NG LCSP

TINUTULAN ng Lawyers for Commuters Safety and Protection (LCSP) ang panawagang “resign all” at pagsasagawa ng snap elections kung mananatili ang bulok na sistema ng halalan sa bansa.

Ayon sa grupo sa pamamagitan ng presidente nitong si Atty. Ariel Inton, walang patutunguhan ang ganitong panawagan kung hindi muna ipatutupad ang malawakang electoral reforms.

“Kung magbitiw ang lahat, sino ang pansamantalang mamumuno? At kung sa ilalim ng kasalukuyang sistema gaganapin ang halalan, baka mga tiwali pa rin ang manalo dahil sa vote buying,” ani Inton.

Giit ng grupo, habang patuloy na ginagamit ng mga politiko ang kahirapan ng mamamayan para bilhin ang boto, hindi kailanman magkakaroon ng tunay na pagbabago.

Dagdag pa nila, mas mahalagang panagutin agad ang mga tiwaling opisyal sa halip na puro drama sa pulitika.

“Tama na ang due process, pero huwag naman ‘overdue process’. Sawang-sawa na ang taumbayan sa kabagalan ng hustisya,” ayon sa grupo.

Hindi rin sang-ayon ang LCSP sa pananaw na huwag madaliin ang pagsasampa ng kaso sa mga sangkot sa malawakang korupsyon.

“Hindi porke mabilis na naisampa ang kaso ay mahina na ang ebidensya. Ang katotohanan, justice delayed is justice denied,” giit ng grupo.

Panawagan ng LCSP: unahin ang hustisya at reporma, hindi ang pagpapalit ng mga mukha sa poder.

(PAOLO SANTOS)

35

Related posts

Leave a Comment