SOLID NORTH VS SOLID SOUTH SA 2022?

BAGAMAT wala pang pormal na pahayag para sa 2022 national at local elections si dating Senador Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., nagpakita na ng kanilang solidong suporta sa mga Marcos ang mga leader at politiko sa Ilocandia.

Ito’y makaraang tugunan ng nasabing mga personalidad ang paanyaya ni Senadora Imee Marcos na “PRE-SONA MERIYENDA” sa kanilang ancestral home sa San Juan City, Metro Manila.

Batay sa talaan ng mga dumalo, umabot sa 50 mga ­congressman at mga political leader ang nakisalo sa PRE-­SONA MERYENDA ng mga Marcos na nagpapatibay lamang ito ng kanilang solidong pagsuporta sa mga Marcos.

Nakilala ang tinaguriang “Solid North” noong panahon ni dating Pangulong Ferdinand E. Marcos kung saan karamihan, o halos lahat, sa lahing Ilocano ay sumusuporta noon sa kanya na tinawag din sa Ilocandia na “Apo Lakay”.

Ngayong nakapagpakita ng kanilang lakas ang Ilocandia na solidong sumusuporta sa mga Marcos, tanging ang anunsyo mula kay Bongbong Marcos, o BBM, ang inaantabayanan nila upang pormal nang ikampanya ang kanilang pambato para sa presidential race sa 2022.

Batid ng mga Ilokano na ­inagawan ng panalo noong panahon ng administrasyong Aquino ang kanilang kababayan na si BBM, gamit ang makabagong makina ng halalan.

Kung mayroong Solid North, mayroon kayang matatawag na Solid South?

Ito’y makaraang aminin ni Mayor Sara Duterte-Carpio sa panayam sa kanya sa Cebu City ang pagkandidato niya sa pampanguluhang eleksyon.

Ang problema ni Mayor Sara ay si Senador Manny Pacquiao na taga-General Santos City, isang Mindanaoan na sinasabing isa sa mga kakandidato bilang pangulo na baka magbise sa kanya si Senador Aquilino “Koko” Pimentel upang ipakita naman sa Partido Demokratiko Pilipino – Lakas ng Bayan (PDP-Laban) Cusi faction ang kanilang kinaaanibang political party ang kanilang pagkadismaya sa ginawang pagpapatalsik sa kanila ng PDP -Laban na umano’y may basbas ni Pangulong Duterte.

Isa pa sa mga problema kung bakit hindi magiging solido ang Timog ay si Senate President Vicente Sotto III na ­pinapurihan pa ni Pangulong Duterte sa kanyang huling State of the Nation Address (SONA) na kakandidato bilang ­pangalawang pangulo ng bansa kasama si Senador Panfilo “Ping” Lacson bilang kanyang pangulo.

Sina Sotto at Lacson ay sinasabing dala, o bitbit, ng Central Visayas Region, partikular ng Cebu.

‘Pag nagkagayon, dito makikita ang kalamangan ng tinaguriang Solid North sa pagsuporta sa kanilang kandidatong si BBM.

Batay naman sa pagtaya ng mga analyst, ‘di bababa sa limang mga presidentiable ang maglalaban-laban sa eleksyon.

118

Related posts

Leave a Comment