SOLON KAY ROQUE: PANGALAN LINISIN SA HALIP MAGTAGO

HINAMON ng isang miyembro ng Makabayan bloc sa Kamara si dating Presidential spokesperson Harry Roque na imbes na magtago sa The Netherlands ay umuwi ito sa Pilipinas at harapin ang kanyang kaso.

Ginawa ni House deputy minority leader France Castro ang hamon matapos pormal na magsampa ng kaso ang Department of Justice (DOJ) ng kasong qualified human trafficking sa Angeles City Regional Trial Court laban sa 40 katao na kinabibilangan nina Cassandra Ong at Roque.

“Kung talagang wala siyang kasalanan, dapat harapin ni Atty. Roque ang kaso at linisin ang kanyang pangalan sa korte, hindi sa Netherlands,” ani Castro.

Ang nasabing kaso ay nag-ugat sa naging papel umano ni Roque sa ilegal na operasyon ng Philippine Offshore Gaming Operators (POGO) na Lucky South 99 Corporation sa Porac, Pampanga na inimbestigahan ng Senado at Kamara.

Matapos ang ilang buwang paghahanda ay isinampa na ng DOJ ang isang non-bailable case.

“The trafficking charges filed by the Department of Justice are serious, involving allegations of torture, forced labor, and illegal detention of victims. No amount of political spin can erase the gravity of these accusations,” ayon pa sa mambabatas.

Dahil din sa pagkakadawit ni Roque sa nasabing POGO hub ay na-contempt siya ng Quad Committee dahil sa hindi pagdalo sa imbestigasyon at hindi pagsusumite ng mga bank record na patunay na hindi sa POGO galing ang kanyang yaman.

Umalis ng bansa si Roque noong Marso at pagkaraan ay nagpakita sa The Netherlands matapos maaresto si dating pangulong Rodrigo Duterte.

Kasabay nito, kinumpirma ni Roque na nag-apply ito ng asylum sa Netherlands gamit ang katuwirang may kaugnayan umano sa pulitika ang pagsasampa ng gobyerno ng kaso laban sa kanya.

“Let us be clear: this is not about politics. Human trafficking is a heinous crime. This is about accountability for the exploitation of vulnerable people. Atty. Roque must stop hiding behind legal rhetoric and face the judicial process. Kung inosente siya, ang korte mismo ang magsasabi niyan,” ayon naman kay dating congressman Antonio Tinio.

(PRIMITIVO MAKILING)

15

Related posts

Leave a Comment