SOLON NAG-OVERNIGHT SA NLEX

HINDI naitago ng isang mambabatas sa Mababang Kapulungan ng Kongreso ang pagkadismaya sa pamunuan ng Northern Luzon Expressway (NLEX) matapos itong bahain na naging dahilan ng matinding trapiko.

“San ka nakakitang binabaha ang expressway?,” tanong ni Akbayan party-list Rep. Perci Cendaña matapos mag-overnight umano sa gitna ng NLEX noong Lunes ng gabi dahil sa matinding trapik.

Base sa advisory ng NLEX Corp. kamakalawa ng gabi, hindi makadaan ang lahat ng uri ng sasakyan sa Valenzuela Interchange Northbound, Valenzuela Interchange Southbound at Paso del Blas Southbound Entry and Exit dahil sa baha.

Dahil dito, hindi isinara ang Paso de Blas Southbound Entry/Exit, Meycauayan Southbound Entry, Marilao Southbound Entry at Ciudad de Victoria Southbound Entry kaya nagdulot ito ng matinding trapiko.

Hanggang kahapon ng umaga ay matindi pa rin umano ang trapik sa NLEX na labis na ikinadismaya ng mambabatas dahil sa perwisyong idinulot nito sa mga motorista papasok at palabas ng Metro Manila.

“Kung gaano kataas ang toll fee ng NLEX, ganoon naman kabagsak ang traffic at flood management. Ang lakas maningil, pero palpak naman ang serbisyo. Super haggard!,” ayon sa mambabatas. (BERNARD TAGUINOD)

27

Related posts

Leave a Comment