(BERNARD TAGUINOD)
HINAMON ng isang mambabatas sa Kamara si Philippine National Police (PNP) Director General Guillermo Eleazar na itigil na ang ‘drama’ at sa halip ay seryosohin ang paglilinis sa hanay ng pambansang pulisya.
“End Police Brutality: Hindi kailangan ng drama rito, ang panawagan ng kabataan at sambayanan ay hustisya at pananagutan,” pahayag ni Kabataan party-list Rep. Sarah Elago sa press conference ng Makabayang bloc kahapon.
Ginawa ng mambabatas ang pahayag matapos komprontahin, duruin, kuwelyuhan ni Eleazar si Police Master Sgt. Hensie Zinampan na pumatay sa 52-anyos na kapitbahay na si Lilibeth Valdez sa Fairview, Quezon City.
Ayon kay Elago, kailangan ang agarang aksyon para malinis ang hanay ng pambansang pulisya at matigil na aniya ang brutal na pagpatay ng mga pulis sa inosenteng mamamayan tulad ng ginawa ni Zinampan.
“Dapat panindigan ni PNP Chief Eleazar ang pagdidisiplina sa kapulisan at ang pagtiyak ng karampatang parusa sa mga police na gumawa ng karumal-dumal na krimen laban sa mamamayan,” hamon naman ni Bayan Muna party-list Rep. Eufemia Cullamat.
Magugunita na sinabi ni Eleazar na ang isa sa kanyang misyon bilang pinuno ng pambansang pulisya ay linisin ang kanilang hanay para maibalik ang tiwala ng publiko sa mga pulis.
Sinabi ni Cullamat na kailangang tuparin ito ni Elezear kung hindi ay marami pang tulad ni Zinampan na papatay ng mga silbiyan na kanilang sinumpaang ipagtatanggol at poprotektahan.
Hindi naman isinasantabi ni Gabriela party-list Rep. Arlene Brosas ang posibilidad na mabibigo si Eleazar sa kanyang misyon kung hindi nito malinis ang kanyang hanay.
“The PNP cannot clear its image when it is continuously entangled in police rage killings,” ani Brosas.
176 