SOLON PINAKIKILOS ANG DEPED GRAD RITES TIYAKING LIGTAS VS COVID-19

INATASAN ni Senador Sherwin “Win” Gatchalian ang Department of Education (DepEd) na maglatag kaagad ng mga hakbangin na dapat gawin ng mga opisyal at pinuno ng mga paaralan upang mapigilan ang pagkalat ng coronavirus disease o COVID-19 sa graduation rites.

Ibinahagi ni Gatchalian ang kanyang pahayag sa gitna ng patuloy na pag-akyat ng mga kaso ng COVID-19 sa iba’t ibang bansa.

Umabot na sa mahigit walumpu’t pitong libo (87,137) katao mula sa halos animnapung (59) bansa ang nagpositibo sa coronavirus.

Kamakailan lamang, idineklara ng World Health Organization (WHO) na umabot na sa “very high” ang antas ng panganib na dulot ng COVID-19.

Ayon kay Gatchalian, dapat siguruhin ng DepEd na may mga nakahandang hakbang ang mga paaralan sa pagdaraos ng mga graduation at moving-up ceremonies, kabilang ang mga rekomendasyon ng WHO sa pagsasagawa ng malaking mga pagtitipon.

“Simula sa pagsasagawa ng comprehensive risk assessments, mahalaga na ang ugnayan sa pagitan ng mga paaralan at local health officials,” ayon kay Gatchalian.

Aniya, dapat tukuyin ng mga assessment ang nakaambang panganib at kung paano aaksyunan ito. “Mahalagang may linaw kung sino sa mga paaralan o mga local health care provider ang nakatakdang manguna sa pagtugon sa mga sitwasyong ito.”

Idinagdag pa ni Gatchalian na dapat magkaroon ng sapat na impormasyon sa mga bagay tulad na lamang ng tamang hygiene, pagsusuri sa sintomas, paghingi ng tulong medikal, at kung kanino maaaring humingi ng tulong.

Mahalaga rin ang pagkakaroon ng sistemang tutukoy kung may sintomas ba ang lalahok sa programa ng pagtatapos. Kung may makitaan ng mga sintomas na naiuugnay sa COVID-19, dapat may nakahandang isolation area o transportasyong maghahatid sa mga pasyente sa angkop na pasilidad, ayon kay Gatchalian.

Ayon sa datos ng Department of Health (DOH), mahigit anim na raang (638) katao na sa Pilipinas ang naituring na “persons under investigation” noong March 2.

Tatlo rito ang nagpositibo sa COVID-19, higit apatnapu ang kasalukuyang inoobserbahan at halos anim na raan ang nagnegatibo sa naturang virus. ESTONG REYES

107

Related posts

Leave a Comment