MULING inupakan ni Senador Sherwin “Win” Gatchalian ang Bureau of Internal Revenue (BIR) sa plano nitong buwisan ang mga online entrepinoy sa halip na bigyan ng insentibo dahil umaagapay sila sa pagbangon ng ekonomiya.
Sa pahayag, sinabi ni Gatchalian na dapat tulungan ang maliliit na online entrepinoys sa bansa sa pamamagitan ng paglalaan ng dagdag na puhunan at iba pang tulong pinansiyal upang mapalago ang kanilang negosyo.
Sinabi ni Gatchalian, dapat isama ang mga online seller sa microfinancing program ng Small Business Corporation (SB Corp.) upang mabilis na makabangon sa krisis na dulot ng pandemya.
Ang SB Corp ay isang Government-Owned and Controlled Corporation (GOCC) ng Department of Trade and Industry (DTI).
Ang SB Corp ay naglaan ng isang bilyong pisong Enterprise Rehabilitation Financing facility sa ilalim ng Pondo sa Pagbabago at Pag-asenso (Covid19 P3-ERF) upang umagapay sa maliliit na negosyo o micro and small businesses.
Ang SB Corp microfinancing program ay nag-aalok ng mababang interes na hindi hihigit sa 2.5% kada buwan at hindi nangangailangan ng kolateral. Ang mga micro enterprises na may pag-aaring hindi hihigit sa 3 milyong piso ay maaring umutang ng sampung libong piso (Php 10,000) hanggang dalawang daang libong piso (Php 200,000). Samantala, ang mga negosyong tinaguriang small enterprises naman na may pag-aaring hindi hihigit sa sampung milyong piso (Php 10 million) ay maaring umutang ng hindi hihigit sa limandaang libong piso (Php 500,000).
Maliban sa pagbibigay ng kapital, sinabi ni Gatchalian na dapat gamitin ng DTI ang Philippine Innovation Law upang lalong maging competitive ang online sellers.
Ang Philippine Innovation Law, na isinusulong ng Senador noon pang 17th Congress, ay naglalayong tulungan ang maliliit na negosyo o marginalized (micro, small and medium enterprises (MSMEs) na maging bahagi ng pandaigdigan at lokal na daloy ng produkto at serbisyo sa pamamagitan ng pag-innovate o pagpapabuti ng kanilang mga produkto o serbisyo. ESTONG REYES
