HINILING ni Senadora Imee Marcos sa gobyerno na baligtarin ang sumpa ng smuggling bilang grasya sa mahihirap na estudyante sa pamamagitan ng pagdo-donate ng mga cellphone, tablet at laptop na nakumpiska ng Bureau of Customs (BOC).
Sa pahayag, sinabi ni Marcos, chairman ng Senate Committee on Economic Affairs, posibleng lumobo pa ang mga ilegal na transaksyon ng pag-angkat ng mga gadget bunsod ng mataas na demand dahil sa pinatutupad na distance learning dulot ng pandemya ng COVID-19.
“Kung nagawang i-donate ng BOC ang halos 800 puslit na behikulo sa mga pulis, militar at iba pang ahensya ng gobyerno noong Hulyo, siguradong kaya rin nitong lutasin ang pag-aalala ng libu-libong mga estudyante sa pamamagitan ng pagdo-donate sa kanila ng mga kumpiskadong electronic gadgets,” giit ni Marcos.
Dagdag ni Marcos, sa halip na sirain o isubasta, maaaring i-donate ng gobyerno ang mga smuggled electronic devices na hindi pa rin kinukuha ng mga importer matapos ang labinlimang araw na sila’y maabisuhan.
Nitong Agosto, iniulat ng BOC na nakasamsam sila ng halos 29.5 tons ng mga selpon, storage devices at electrical items na walang clearance mula sa Bureau of Product Standards, National Telecommunications Commission at Optical Media Board.
Habang noong nakaraang taon, kabuuang P100 million na selpon, baterya ng selpon at tablets na mula Hong Kong ang nasabat noong Hulyo sa Clark Freeport Zone sa Pampanga, bukod naman ang P15 million na mga second-hand na selpon, lithium batteries at phone accessories na mula South Korea na nakumpiska ng sumunod na buwan sa paliparan ng Maynila. (ESTONG REYES)
169
