UMAPELA ang isa sa mga may-akda sa panukala na gawing holiday sa Ilocos Norte ang kaarawan ni dating Pangulong Ferdinand E. Marcos na mag-move na dahil maraming magagandang legasiya na iniwan ang dating pangulo.
Ginawa ni Ilocos Norte 2nd District Rep. Angelo Marcos Barba ang panawagan dahil sa pagkontra ng iba’t ibang grupo sa ipinasang panukala sa mababang kapulungan ng Kongreso na gawing special non-working holiday sa Ilocos Norte ang September 11 o ang kaarawan ni Marcos.
“Karapatan nila ‘yon (na tutulan ang panukala), may sarili silang paninindigan pero mag-move on na tayo kasi unti-unti namang napatutunayan na maganda ‘yong ginawa niya eh,” pahayag ni Barba sa report ng GMA 7.
Bukod may Barba ay pangunahing author din sa nasabing panukala sina Ilocos Norte 1st District Rep. Ria Farinas at Probinsyano Ako party-list Rep. Rudy Cesar Farinas, na pinagtibay sa Kamara noong Setyembre 2 o siyam na araw bago ang ika-103 taong kaarawan ng dating pangulo.
Sa botong 197 pabor, 8 ang tumutol at isa ang nag-abstain, matiwasay na lumusot ang nasabing panukala sa Kamara at inaantay na lamang ang bersyon ng Senado bago pormal na maging batas ito.
“As a salute to a brilliant man whose vision of the country remains unparalled, this bill seek to declare September 11 of every year a special non-working holiday in the province of Ilocos Norte in commemoration of the birth anniversary of former President Ferdinand E. Marcos to be know as President Ferdinand Edralin Marco Day,” ani Barba sa kanyang panukala.
Gayunpaman, tinutulan ng ilang grupo ang nasabing panukala bagay na iginagalang ni Barba subalit panahon na aniya para mag-move on na dahil habang tumatagal ay maraming napapatunayang magandang nagawa ang tinaguriang APO sa Ilocos Norte.
“All the the great achievement that my father have done, I believed the most important is, he’s being able to give the Filipinos a sense of nation,” ayon naman kay dating Senator Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.
“Hindi nagbabago nung henerasyon ng giyera ang Ilocano. Tayo pa rin ang isang lahi ng mga bayani, ng matatapang at masidhi magsitulong,” mensahe naman ni Sen. Imee Marcos. (BERNARD TAGUINOD)
311
