“SIGNS of Big One?”
Ito ang tanong ni House deputy minority leader Carlos Zarate na may halong pagkabahala sa sunod-sunod na lindol, hindi lamang sa Mindanao kundi sa ibang lugar sa bansa.
Kasabay nito, umapela ang mambabatas sa gobyerno na paghandaan ang bagay na ito at kailangang maging alerto umano ang bawat isa at mahalaga ang maging handa anomang oras.
“I read from the data shared by The Watchmen’s Earth and Space Connection that these earthquakes, many not readily noticeable, are now becoming frequent these past weeks, not only in Mindanao, but even in other parts of the country. Signs of the Big One? Be safe! #LagingHanda,” ani Zarate.
Ngayong buwan ng Pebrero ay anim na may kalakasang lindol ang naitala sa Mindanao at Luzon.
Kabilang dito ang 4.6 magnitude na lindol sa Polomok, South Cotabato noong Pebrero 2 na sinundan ng 5.1 magnitude sa Olongapo, Zambales noong Pebrero 4.
Nito lamang Pebrero 5 ay naitala naman ang 5.1 magnitude na lindol sa Camaligan, Camarines Sur at 4.8 magnitude naman sa Cuyo, Palawan at noong Pebrero 6 ay 4.6 magnitude ang naitala sa Kibawe, Bukidnon.
Kahapon, Pebrero 7, ay nagkaroon naman ng lindol sa Magsaysay Davao del Sur na nagtala ng intensity 4 sa Makilala, Cotabato at naramdaman sa mga karatig na lalawigan.
Ang The Watchmen’s Earth and Space Connection ay nagmomonitor ng mga lindol at aktibidad ng mga bulkan sa buong mundo.
Sa kanilang huling video, naka-itim ang Pilipinas dahil sa pagiging aktibo o madalas na paggalaw ng lupa rito. (BERNARD TAGUINOD)
