SOLONS KAY VP SARA: HUMARAP KA KUNG WALA KANG TINATAGO

KINASTIGO ng mga mambabatas sa Kamara si Vice President ‘Inday’ Sara Duterte-Carpio dahil plano nitong hindi harapin ang impeachment complaint na isinampa laban sa kanyan sa kanila ng kahilingan ng mga pro-Duterte na ipatigil ng Korte Suprema ang paglilitis sa anak ni former president Rodrigo ‘Rody’ Duterte (FPRRD).

Para sa mga lider ng minorya sa Kamara na sina party-list representative France Castro ng Alliance of Concerned Teachers (ACT) at Arlene Brosas ng Gabriela, sa halip na harapin ni Duterte ang paglilitis sa kanya kung wala siyang itinatago ay mas makakabuting maghain ang kanyang kampo ng petisyon sa Korte Suprema na ipatigil ang impeachment proceedings.

“This is nothing but a last-ditch effort to escape scrutiny over the millions of confidential funds that were questionably spent under her watch. Kung walang tinatago, bakit ayaw humarap?,” tanong ni Castro.

Noong una aniya, tumanggi si Duterte na humarap sa mga pagdinig sa Kamara sa pagsisiyasat ng kanyang confidential funds dahil ayaw niyang sagutin kung saan niya ginamit at paano ginamit ito at ngayon ay wala itong mukhang maiharap sa impeachment trial.

“The pattern is clear—hindi haharap sa House hearings, ngayon naman ay gustong pigilan ang impeachment court. This is the height of arrogance and contempt for public accountability. Ang tanong: saan napunta ang milyon-milyong confidential funds,” punto naman ni Brosas.

Sinabi ng mambabatas na karapatan ng sambayanang Pilipino na marinig ang sagot ni VP Duterte sa mga kasong isinampa laban sa kanya ng mahigit 215 Congressmen sa impeachment court o sa Senado.

Ayon naman kay Kabataan party-list solon Raoul Danniel Manuel, hindi maaaring magtago si VP Sara sa likod ng kanyang mga abogado sa Davao habambuhay dahil kakailanganin din niyang harapin at sagutin kalaunan ang mga alegasyong katiwalian na ibinato sa kanya at nakabinbin ngayon sa impeachment court.

“Kung talagang malinis ang konsensya, harapin ang impeachment court,” hiling ni Manuel.

Samantala, kahit magbitiw umano ang anak ni FPRRD, kailangan desisyunan pa rin ng impeachment court ang prayer sa isinampang kaso ng Kamara na tuluyang ipagbawal sa Pangalawang Pangulo na humawak ng anomang posisyon sa gobyerno o perpetual disqualification in public office.

Ito ang nilinaw ni Manuel, na itinalaga bilang isa sa 11 House prosecutors, sa gitna ng posibilidad na magbibitiw na lamang si VP Sara upang makatakbo pa ito sa 2028 presidential election. (PRIMITIVO MAKILING)

29

Related posts

Leave a Comment